BUTO ng chia
Ni: Jonnalyn Cortez
NAUUSO ngayon ang paghalo ng chia seeds sa pagkain dahil sa taglay nitong mga nutrients na maganda sa kalusugan. Sa katunayan, isang onsa lamang nito ay nagtataglay na ng 10.6 grams ng fiber, 4.4 grams ng protein, 4,915 milligrams ng omega-3, phosphorous, manganese, calcium, at potassium.
Tunay ngang napakaraming benepisyo sa katawan ang dulot ng chia seeds, at dahil sa maliliit na butil, madali pang ihalo sa pagkain. Ngunit bukod sa pagkain, maaari ring ihalo ang naturang buto sa inumin para sa karamihan na parating on the go.
Ihalo lamang ang isa o dalawang kutsara ng chia seeds sa anumang inumin, haluin, maghintay ng 10 hanggang 15 minuto hanggang sipsipin nito ang tubig at maging parang gelatin.
Dahil sa taglay na soluble fiber, maaaring lumaki ang chia seeds ng tatlong beses sa karaniwang laki na nagiging dahilan ng pagkabusog nang matagal ng sinumang iinom nito.
Sa katunayan, kaya nitong bawasan ang cravings sa pagkain ng chichirya dahil sa taglay nitong protein, omega-3s at fiber.
Wala rin itong ibang lasa na nakakaapekto sa hinahaluang pagkain. Dahil dito, maaari itong ihalo sa anomang inumin tulad ng juice at tea.
Pwede ring ihalo ang chia seeds sa lemon water, coconut water, kape, orange juice, green tea, iced tea, at marami pang iba.
Kaya kung walang oras na gumawa ng pudding, na karaniwang hinahaluan ng chia seeds, o smoothie araw-araw, maaring sundin ang mga nabanggit at ihalo ang nasabing edible seeds sa iyong inumin.