Lumabas sa survey ng Social Weather Stations na “very happy” ang mga Pinoy sa kalagayan ng kanilang pamumuhay sa unang bahagi ng 2019. (Larawan mula sa PNA)
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
LIKAS ang pagiging masayahin ng mga Pilipino. Sa gitna ng mga hagupit ng buhay na nararanasan, nakukuha pa rin natin ngumiti at tumawa.
Isang magandang halimbawa nito ay ang pagiging patok ng iba’t-ibang funny memes ng Pinoy netizens sa social media tungkol sa mga hugot sa love life, kalbaryo sa trapik, at pagkabaon sa utang, na ginagawa na lamang katatawanan para mapanatiling matatag ang loob ni Juan Dela Cruz sa kanyang araw-araw na pakikibaka.
Kaya naman ang buong mundo ay namamangha sa pagiging masayahin ng mga Pinoy. Nawiwili ang mga mga foreign tourist na dumayo dito dahil bukod sa mga nakabibighaning tanawin, masayahin din ang mga Pilipino.
Sa isang survey nga ng US-based company na Gallup International, pumangatlo ang Pinas sa Happiest Countries sa mundo, na may +84 puntos. Nanguna sa listahan ang bansang Fiji (+92) at pumangalawa naman ang Columbia (+87).
Sa lumabas na resulta ng isang survey ng Social Weather Station (SWS) kamakailan, naitala na naman ang mataas na happiness level sa bansa. Nakasaad sa survey na halos kalahati ng mga Pinoy ang nagsabing “very happy” sila sa kanilang buhay sa first quarter ng 2019.
Sa tanong na “If you were to consider your life, in general, these days, how happy or unhappy would you say you are on the whole?”, 44 porsyento ang sumagot na sila ay “very happy”; 49 porsyento ang nagsabi ng “fairly happy”, 7 porsyento ang “not very happy”, at isang porsyento lang ang “not at all happy.”
Tumaas umano ng five points ang mga “very happy” Pinoys mula sa 39 porsyento na naitala sa resulta noong December 2018.
Pinakamataas na happiness rating ang naitala sa Mindanao, na sa kasalukuyan, ay nasa ilalim ng martial law. Noong Disyembre, inaprubahan ng Kongreso ang extension ng batas militar hanggang sa katapusan ng 2019 upang tuluyang masupil ng pwersa ng pamahalaan ang mga terrorist groups sa naturang rehiyon pagkatapos ng Marawi siege noong 2017.
“The proportion of ‘very happy’ was highest in Mindanao at 58 percent (up from 51 percent in December 2018), followed by the Visayas at 57 percent (up from 45 percent), Metro Manila at 43 percent (up from 29 percent), and Balance Luzon at 32 percent (down from 33 percent),” nakasaad sa survey, na isinagawa mula March 28 to 31 sa 1,440 na adult Pinoys sa buong bansa. Ang mga samples ay may 360 each sa Balance Luzon, Metro, Manila, Visayas at Mindanao.
Pagdating naman sa mga religious denominations sa bansa, pinakamataas ang “very happy” status sa Muslims, na pumalo sa 66 porsyento. Ito ay higit na mataas kumpara sa 38 porsyento na naitala noong December 2018. Sinundan naman ito ng ibang Christian churches (50 porsyento), Catholics (42 porsyento), at Iglesia ni Cristo (39 porsyento).
Bagama’t naitala ang slowdown sa GDP growth ng Pilipinas sa unang bahagi ng 2019, malaki ang kumpyansa ng Malakanyang na aarangkada na muli ang ekonomiya ng bansa ngayon at sa mga darating na buwan. (Larawan mula sa PNA)
BAKIT NGA BA ‘VERY HAPPY’?
Ikinalugod ng Malakanyang ang resulta ng survey. Wika ng Palasyo, kaya “very happy” ang mga Pinoy sa kalagayan ng kanilang buhay ngayon ay dahil nakikita at nararamdaman ng madla ang pagbabagong ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We attribute these results to the optimistic and cheery disposition of Filipinos, and to the prevailing conditions of the country where streets are safe from crimes and drugs, cities are booming with massive infrastructure buildup, and the economy is on a positive turnaround,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“There is genuine, visible and meaningful change under the administration of President Rodrigo Roa Duterte as validated by public sentiment,” aniya pa.
Kaya “very happy” ang madla dahil umano ramdam nila na mas ligtas na ang lumakad sa mga lansangan ngayon dahil sa pagbaba ng krimen sa bansa.
Kinukumpirma ito ng datos ng Philippine National Police (PNP). Sa records ng pulisya, 473,068 ang naitalang krimen noong 2018 na mas mababa sa 520,641 na naitala noong 2017; katumbas ng 9.13 porsyento pagbaba.
Bumagsak din ng 28.14 porsyento ang walong focus crimes na murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, at carjacking. Mula 107, 254 na mga kaso noong 2017, bumaba ang bilang na naitala sa 77,068.
Ramdam din ng mga Pinoy ang pagbuti ng ekonomiya ng bansa, lalo na ang pagbaba ng inflation rate. Ito ay matapos pumalo pa sa nine-year high na 6.4 porsyento noong September 2018.
Nitong mga nakaraang mga buwan, nagawa ng Duterte administration na pababain ang inflation rate sa bansa hanggang 3 porsyento. At tinataya ng mga eksperto na mapapanatili ng gobyerno ang numerong ito hanggang sa pagtatapos ng 2019.
Bagama’t may gross domestic product (GDP) growth slowdown na naitala sa first quarter ng taon, dahil umano sa pagka-delay ng pagpasa ng 2019 National Budget, naniniwala ang Palasyo na umaarangkada na uli ang ekonomiya dahil hawak na ng pamahalaan ang “economic momentum.”
“The delay in our infrastructure program because of the budget deadlock during the first quarter is now a thing of the past. Soaring inflation has been decisively addressed. We expect higher growth in the next few quarters as the Build Build Build Infrastructure Program starts to gather steam and domestic consumption, as a result of deflation, starts to pick up,” wika ni Panelo.
Majority ng mga Pinoy ang naniniwalang magagawang tuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga pangako sa bayan.
MATAAS NA KUMPIYANSA KAY PRRD
Dahil sa mga nakikitang mabubuting bunga ng mga hakbang at programa ng Duterte administration, tumatagos din ang positivity ng mga Pinoy hanggang sa kanilang tiwala sa liderato ni Pangulong Duterte.
Naitala sa isang SWS survey na 94 porsyento ng mga Pinoy ang naniniwalang magagawang tuparin ni Pangulong Duterte ang kanyang mga pangako.
Lumabas sa survey na 48 porsyento ng mga Pinoy ang nagsabing matutupad ng Pangulo ang karamihan, kung hindi lahat, ng kanyang mga pangako; 13 porsyento naman ang nagsabi na matutupad ni Duterte “all or nearly all”; 35 porsyento naman ang nagsabi na “most of his promises” ; at 46 porsyento naman ang nagsabi na “a few” lang ang matutupad niya.
Isinagawa ang naturang survey noong ika-16 hangang ika-19 ng Disyembre 2018 sa 1,140 respondents, na may ±2.6 percent margin of error.