PNP, nagpapatuloy ang internal cleansing sa hanap ng mga kapulisan.
HINDI magdadalawang-isip ang Philippine National Police (PNP) na ikulong ang mga tiwaling pulis kapag napatunayan ang pagkakasangkot nila sa mga iligal na gawain.
Ito ang tiniyak ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac sa panayam ng Sonshine Radio at SMNI News kaugnay ng pagdinig sa kaso ng higit 2 libong pulis na ini-uugnay sa iligal na gawain.
“So lahat ng mga pulis na may kaugnayan dito sa iligal na droga, patuloy natin na minamanmanan. At kung saka-sakali man ay talagang ‘pag may ebidensiya tayo laban sa kanila, ay hindi tayo mangingimi, hindi tayo magdadalawang-isip na arestuhin ang mga ito at ilagay sa kulungan,” pahayag ni Col. Banac.
Ayon kay Banac, bahagi pa rin ito ng nagpapatuloy na internal cleansing sa hanay ng kapulisan.
Pangungunahan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group ang pagsasailalim sa imbestigasyon at lifestyle check sa naturang mga pulis.
Karamihan naman sa mga iniimbestigahang pulis na may matataas na ranggo ay iniuugnay sa iligal na droga, partikular na sa pangangalaga ng mga drug traders.
Dagdag pa ni Banac, hindi maaaring idahilan ang matinding pangangailangan sa buhay para pumasok sa mga iligal na gawain ang mga pulis.
“Madali kasing kumita at dala na rin ng kanilang pangangailangan. Pero hindi ito sapat na dahilan para lumabag tayo sa mga umiiral na batas,” dagdag ni Col. Banac.