TULUYAN nang inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) at mga miyembro nito na ipagbawal ang pag-ere ng awiting “Amatz” ng Pinoy rapper na si Shanti Dope.
Ayon sa NTC, ang naturang direktiba ay alinsunod sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Nilabag din anila ng awitin ang article 15 section 4 ng Broadcast code of the Philippines 2007 na nagsasabing ang mga kantang mayroong mensahe na nanghihikayat na gumamit ng pinagbabawal na gamot ay nararapat lamang na hindi ipalabas sa publiko.
Dagdag pa nito, bagaman kinikilala nila ang “freedom of expression” ng rapper ay kinakailangan nilang manghimasok kung ang mensahe ay makasasama sa interes ng publiko, seguridad at kapakanan ng kabataan.
Mayo nang manawagan ang PDEA sa pag-ban ng awiting Amatz dahil sa umano tila panghihikayat nito sa paggamit ng marijuana bagay na mariin namang pinabulaanan ng rapper.