Ang sari-sari store ay tinaguriang isa sa mga pinaka-simpleng negosyo na laganap sa bansa. Madali lamang ito patakbuhin at madalas itong itayo sa sariling bahay.
Ni: Eyesha N. Endar
ANG sari-sari store ay isa sa mga pinaka popular na negosyo para sa maraming Pinoy at maganda ring maging panimulang pagpasok sa business ng kahit na sinuman.
Ang sari-sari store rin ang isa sa mga pangunahing takbuhan ng marami para sa mga pangangailangan nila araw-araw. Higit sa lahat, sa maliit na halaga, mabibili ng sinuman ang kanilang nais.
Halos lahat ng klase ng mga paninda tulad ng canned goods, candies, tsitsirya, sigarilyo, sabon, shampoo, toyo, suka, asin, vetsin, at kung ano-ano pa ay mabibili sa tindahang ito sa kanto o sa kapitbahay.
Narito ang ilang gabay kung paano magsisimula ng isang sari-sari store:
Pumili ng magandang lugar
Kung may malaki kang puhunan, humanap ng magandang puwesto at mataong lugar at doon itayo ang negosyo. Pero kung maliit lang ang iyong puhunan, maaaring magsimula ka muna sa iyong tahanan magtayo ng maliit na sari-sari store na madaling bantayan araw-araw.
Kung may mga kapitbahay ka ring nagtitinda, alamin ang mga bagay na hindi nila itinitinda at idagdag mo ito sa iyong mga paninda. Palaging mag-isip ng mga bago at patok na produkto at palagi ring pag-aralan kung ano pa ang mga bagay na maaring kailanganin ng iyong mga kapitbahay.
Maghanap ng murang paninda
Maraming wholesalers, partikular na sa Divisoria at Quiapo kung saan ka makabibili ng mga murang mga paninda. Gayunpaman, huwag huminto sa paghahanap ng mga supplier dahil baka mas makahanap ka pa ng mas mura.
Huwag kalimutang magrecord ng pinamili at paninda araw-araw
Kailangan mong magkaroon ng record sa lahat ng iyong mga transaksiyon. Mahalaga ito para malaman mo ang takbo ng iyong negosyo. Sinupin din ang iyong inbentaryo ng mga paninda.
Iwasan ang pagpapautang o limitahan ito.
Hindi dahil marami kang kaibigan sa mga kapitbahay mo, magpapautang ka na lang nang magpapautang. Isipin mo na kailangan mo ng cash dahil kung hindi mo ito gagawin, hindi uunlad ang iyong negosyo. Huwag magpautang sa mga hindi marunong magbayad kahit kamag-anak o kaibigan mo pa ang mga ito.
Kailangan maging ligal ang negosyo
Kahit isang micro-enterprise lang ang isang sari-sari store, kailangan mo itong gawing ligal. Kailangan mo pa ring kumuha ng business permit para makapagsimula. Dapat mong tandaan ang ilang mga bagay: I-register ang pangalan ng iyong negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI), makukuha mo ang impormasyon sa kanilang website na (http:www.dti.gov.ph/), kumuha rin ng mayor’s permit, depende kung saang siyudad ka nakatira at BIR TIN (www.bir.goc.ph)
Dumalosa mga workshop at seminar
Maraming mga organisasyon at ahensiyang nagtuturo kung paano ang pagpapaunlad sa isang negosyo, partikular na ang DTI. Maglaan ng oras para rito upang madagdagan ang iyong kaalaman hinggil sa pagpapatakbo ng negosyo.
Higit sa kung anupaman, hindi lang puhunan, tauhan at puwesto ang kailangan sa pagnenegosyo – kundi mga kaalaman.