Dahil sa atletisismong taglay, nagiging agaw pansin ang laro ni Pascal
Larawan mula sa durangoherald.com
NI EUGENE B FLORES
Hindi na maikakaila ang pag-iingay ni Pascal Siakam sa kanyang ikatlong taon sa NBA kung saan isa siya sa finalist ng Most Improved Player of the Year ng liga.
Kritikal ang posisyong ginagampanan ni Siakam sa kanyang koponang Toronto Raptors lalo na ngayong season matapos tuluyang makalagpas sa Eastern Conference Finals at makapasok sa NBA Finals sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang mahigit dalawang dekada nito.
Ayon din sa mga eksperto nangunguna si Siakam sa MIP award dahil sa kanyang epekto sa laro ngayong season.
Sa kanyang rookie year, may average lamang ito ng 4.2 puntos, 0.3 assist, at 3.4 rebounds, samantalang noong 2017-2018 season nagtala ito ng 7.3 puntos, 2 assists, at 4.5 rebounds. At ngayong season dinoble niya ang kanyang output na may 16.9 puntos, 3.1 assists at 6.9 rebounds kada laro.
Ang unang paghahari ng Toronto sa Eastern Conference
Katuwang ang bagong maituturing na franchise player ng koponan na si Kawhi Leonard, pinataob ng Raptors sa loob ng anim na laro sa East finals ang league-leading Milwaukee Bucks na pinangungunahan naman ng isang finalist sa Most Valuable Player award na si Giannis Antetokoumnpo.
KAKAIBANG LANDAS PATUNGO SA TAGUMPAY
Hindi katulad ng ibang manlalaro sa NBA na namulat sa laro sa maagang edad at tumutok at nagpahubog sa laro, iba ang unang sports na minahal ng tubong Cameroon na si Siakam.
Soccer ang larong nais tahakin ng batang si Siakam na syang pinakasikat sa African regions. Ngunit agad itong natigil 11 anyos palang siya matapos piliin ng kanyang ama na magmana ng Katolisismo ng pamilya. Pumasok sa seminary si Siakam upang magpari ngunit di naglao’y umalis dito.
Kumana ng 31 puntos, playoff career-high, si Siakam sa game 1 ng NBA finals
Larawan mula sa beta.washingtonpost.com
Pumasok sa isang basketball camp ni Luc Mbah a Moute, isang NBA player, si Siakam para lamang subukan at magsaya, lingid sa kaalaman nito ay nakaagaw pansin siya sa iilang nandoon na naging dahilan upang imbitahan siya sa Basketball Without Borders Camp na ginanap sa South Africa taong 2012.
Labimpitong taong gulang si Pascal nang una itong maglaro sa isang organized basketball game. Hindi rin nito kilala ang mga NBA player na nakasama niya sa camp. Kung susuriin, huli na itong nagsimulang mag-basketball at marami pang dapat matutunan kung nais niyang makatapak sa NBA.
Inimbitahan din sa Amerika si Siakam na una’y ayaw niya, ngunit pinilit ng kanyang ama. Hinubog niya ang sarili at inaral pa ang laro, patuloy na nagpapakita ng improvement ang atleta.
Ngunit nagkaroon ito ng kapalit, pumanaw ang kaniyang ama, nais umuwi ni Siakam ngunit pinagbawalan siya ng ina upang ituloy ang pangarap at ang nalalapit na NBA draft.
Naglaan ng sumatotal na limang taon na nagpagpupursige, sipag, tyaga at tiwala sa sarili ang ibinigay nito na nasuklian matapos kunin ng Toronto Raptors si Pascal Siakam bilang kanilang 27th pick.
Ikunwento nito ang naging reaksyon nila sa pagkakakuha sa kanya.
“I had so much nervous energy, I could barely sit still. As the first round went on, into the early 20s, I started to get more anxious, even worried. Maybe entering the draft had been a huge mistake. Then, when the 27th pick was announced, and I heard Adam Silver call my name, everyone around me lost it. I was going to Toronto. I guess my workout really was as good as I’d thought,” wika nito.
“My brother were crying and screaming, my friends were crying and screaming, I was crying and screaming… it was just too many emotions,” dagdag nito.
Inaalay nito ang bawat laro sa kaniyang ama at pamilya, kung saan hinugot niya ang kaniyang numero sa jersey na number 43.
“Every time I enter the game, I touch the number 4 on my jersey four times for my dad and three brothers, then I touch the number 3 three times for my mom and two sisters, then I cross myself for God and point up to the sky. I know my dad is watching.”
Tinututukan ngayon ang patuloy na bakbakan ng Raptors at ng defending champion Golden State Warriors sa NBA Finals.