Dennis Blanco
ANG MGA social entrepreneurs ay makabagong bayani na naghahangad ng pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng pagtatag ng kabuhayan at negosyo na bahagi ng kanilang kikitain ay ipinamamahagi sa mga mahihirap.
Ayon sa kanila ang pagtatag nila ng negosyo na makapagbibigay ng trabaho at pagkakakitaan sa lubos na nangangailangan, ay bunsod ng hangarin na tumulong sa paghilum ng sugat ng mundo. Kaugnay ito, wala silang pagod na naghahanap ng mga kalutasan sa mga problema ng lipunan na hindi halos nabibigyang pansin ng mga institusyon.
Layon ng mga social entrepreneurs ay magkaroon ng impluwensiya sa mga pamayanan sa pamamagitan ng mga negosyong nagbibigay ng pangkabuhayan, trabaho, nagtataguyod ng kalusugan at edukasyon bilang katuwang ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyong pampubliko. Sila ay maaring magmula sa gobyerno, media, paaralan, negosyo, civil society at sa pribadong sektor.
Ayon kay Quibuyen*, maaring maituring ang ating pambansang bayani na si Jose Rizal na kauna-unahang social entrepreneur sa Pilipinas. Noong siya ay ipinatapon sa Dapitan noong 1892, itinatag niya ang kauna-unahang kooperatiba ng mga magsasaka na Sociedad de Agricultores Dapitanos; nagtayo siya ng lime-burner; nag-introduce ng mas epektibong paraan ng pangingisda; nagsimula ng mga public works project; at nagdisenyo ng unang water system sa Dapitan.
Patunay ito na ang social entrepreneurship sa Pilipinas ay nakaugat sa historikal na pangyayari na maaring ipagpapatuloy ng mga kabataan sa kasalukuyan batay sa mga aral ng kasaysayan. Sa ngayon, may mga matagumpay na social entrepreneurs tulad ng Hapinoy, Rags2Riches, Anthill, Coffee for Peace, at Human Nature.
Batay sa pag-aaral ng British Council at ng Strengthening Civil Society Participation in Social Enterprises Education and Development (CSO-SEED)**, ilan sa mga natuklasan nila hinggil sa social enterprise sa Pilipinas ay ang mga sumusunod: May mga umuusbong na social entrepreneur sa Pilipinas na karaniwan ay nagmumula sa edad na 35-44; pinalalakas nito ang mga kababaihan — halos 56 na porsiyento sa nalikhang trabaho, ang mga kababaihan ang nakinabang; mahigit na 60 porsiyento ng social enterprise na gustong maka-akit ng kanilang customers ay nag-de-develop ng bagong produkto at serbisyo; ang epekto ng social enterprise sa ekonomiya ay mayroong medium turn over na US$23,990 noong 2016 at inaasahang ito ay lalago pa sa mga susunod na taon; ang agrikultura ang karaniwang sektor kung saan ang social enterprise ay nagmumula.
Ang edukasyon, negosyo, sebisyong pinansiyal, at trabaho ang inaasahang iba pang mga sektor na magiging mahalagang sektor ng operasyon ng social enterprise sa bansa.
Sa bandang huli, mahalaga na magkaroon ng mga batas na susuporta nang lubusan sa social enterprise sa Pilipinas tulad ng Poverty Reduction Through Social Enterpise Bill (PRESENT Bill) at Social Value Bill. Kailangan ng mga champion ng social enterprise sa hanay ng mga policy makers na siya nating tatalakayin sa susunod.
* Quibuyen, F. 2011. “Rizal’s Legacy for the 21st Century: Progressive Education, Social Entrepreneurship and Community Development in Dapitan.” Social Science Diliman 7 (2): 1-2
**British Council. 2019. Reaching The Farthest First: The State of Social Enterprise in the Philippines. British Council Philippines: Strengthening Civil Society Participation in Social Enterprise Education and Development. https://www.britishcouncil.ph/sites/default/files/social_report_bc_fa_102517_web-compressed.pdf