NI: HANNAH JANE SANCHO
KARAMIHAN sa mga kababayan natin ang nagtatrabaho para kumita ng pera.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay agad napalalaki ang kanilang kita sa loob ng maikling panahon.
Dahil dito marami sa mga Pilipino ang na-enganyo sa mga easy money investment schemes na tinawag na sa maraming pangalan pero lahat ay maituturing na pyramiding scam o kilala din sa tawag na Ponzi schemes.
Karaniwang linya ng mga nanghihikayat sa mga ganitong klaseng investment ay “legit” ito na negosyo na kayang doblehin ang investment. Lagi rin nila sinasabi na hindi binibigyan ng pressure ang mga investors ng ganitong negosyo o walang long term na commitment ang kinakailangan at higit sa lahat ay pwedeng umalis anumang oras mo gusto basta’t manghikayat ka lang ng maraming kasama para agad na yumaman.
Sa paglipas ng panahon marami na ang naglipanang pyramiding scheme hindi lamang sa Pilipinas maging sa buong mundo.
Lahat sa mga ito ay hindi nagtagal at ang iba naman ay agad na nalugi.
Tulad na lamang ng kumpanyang Legacy na nangako na dodoblehin ang pera ng mga magi-invest sa kanilang kumpanya na walang ibinibigay na katibayan kung papaano maibabalik ang pera ng mga investors nito.
Inakala ng pamahalaan na natututo na ang mga kababayan natin sa mga ganitong klase ng panloloko pero sa panahon ngayon nag-iiba na rin ang approach ng ilang Ponzi scheme.
Isa na dito ang religious group na Kapa Community Ministry Incorporated na nahaharap sa kontrobersiya matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara ito dahil isa aniya itong scam.
Ang pangako kasi ng Kapa sa mga miyembro nito na anuman ang ibibigay na investment sa pamamagitan ng kanilang donasyon ay ibabalik nito ng 30 prosyento buwan-buwan at lifetime aniya ito na ibibigay sa miyembro bilang love gift.
Para sa Securities and Exchange Commission o SEC hindi makatotohanan at mathematically impossible ang ganitong klaseng return of investment dahil sa masyadong malaki ang interes na ibinibigay nito.
Ayon sa pagaaral ng SEC, upang maipagpatuloy ng KAPA ang ganitong klase ng pamamalakad ay kinakailangang may 180 billion pesos ito na pondo para maisakatuparan ang mga ipinangako nito sa mga miyembro.
Ngunit tama nga ba ang ganitong klaseng investment?
Ang mga ganitong klaseng get-rich-quick schemes ay sinisira ang pag-iisip ng tao sa tamang paraan ng pamumuhunan at pagpapalago ng pera.
Imbis sanayin kasi ang sarili na dapat ay pinaghihirapan ang kinikitang pera, marami tuloy ang nauuto sa mga kababayan natin na ang pyramiding scheme ang susi para umahon sila sa kahirapan o para guminhawa ang buhay.
Marami pa naman sa mga miyembro ng Kapa ay mahihirap at hindi tama na ituro sa kanila ang ganitong klase ng paraan ng pagkita ng pera. Imbis makatulong sa kanila ay mas lalo silang sinasaktan dahil sa false hope na ibinibigay sa kanila. Sa panahon na magsasara na ang Kapa ang mga mahihirap na mga kababayan nating umaasa sa easy money ang posibleng magdulot ng gulo.
Sinasabi kasi ng Kapa na dahil sa kanila ay marami silang natulungan na mahihirap.
Hindi naman aniya ito ang ipinupunto ng pamahalaan. Binigyan diin ng SEC na nilabag ng Kapa ang batas sa pangangalap nito ng puhunan sa mga miyembro nito ng walang karampatang permit.
Pebrero ng taong kasasalukuyan nang maglabas ang SEC ng cease and desist order laban sa Kapa matapos mag-alok ito at magbenta ng mahahalagang papel sa anyo ng mga kontrata sa pamumuhunan na nagkukunwaring donasyon kahit wala itong lisensiya para gawin ito.
Binigyang diin ng SEC na magsasampa sila ng kasong criminal laban sa Kapa at mga opisyal nito.
Dahil sa utos ni Pangulong Duterte ay nagalit ang mga miyembro ng Kapa, nadamay pa si Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ dahil sa programa nitong Give us this Day inanunsiyo ng Chief Executive ang pagpapasara sa Kapa nitong June 8.
Hindi naman aniya tamang magalit ang mga naloko ng Kapa kay Pangulong Duterte dahil ipinatutupad lamang nito ang batas at mandato niyang tiyaking protektado ang mga nasasakupan nito mula sa mga scammer.
Una nang binalaan ni Pangulong Duterte ang taumbayan na huwag magpadala sa mga “too good to be true” na investment scheme dahil scam ito.
May ilang miyembro naman ng Kapa ang sinisiraan sa social media si Pastor Apollo at dinedemand na ibalik sa kanila ang kanilang investment gayong wala naman itong kinalaman sa issue.
Kung may dapat habulin dito walang iba kundi ang nagtatago na si Pastor Joel Apolinario na siyang nagtatag ng Kapa.
Magugunitang noong 2009 nang kasagsagan ng Legacy Pyramiding Scam ay humarap ang mga opisyal ng SEC sa Senado kung saan kinwestiyon ng mga mambabatas ang kawalan ng aksiyon nito para maprotektahan ang taumbayan mula sa mga maanomalyang investment.
Ngayong mismo ang Pangulo na ng Pilipinas ang umaaksiyon at hindi na nito hinantay tuluyang ma-bankrupt ang Kapa at para hindi na dumami pa ang mga mabibiktima nito ay siya pa ang nagiging masama.
Kaya payo ng pamahalaan sa mga miyembro ng Kapa ay magsampa na ito ng kaso upang may legal ito na habol sa mga perang inilagak nito sa simbahan.
Naglabas naman ng Immigration lookout order ang Department of Justice laban sa mga opisyal at incorporator ng Kapa.