Twitter inilunsad ang bagong reporting feature para sa eleksyon na maaari nang gamitin sa India at Europa.
Ni: Jonnalyn Cortez
TUWING mageeleksyon, mapapansin ang napakaraming aktibidad na nangyayari sa social media na kinasasangkutan ng mga politiko, tagasuporta, at ilang ang tanging nais ay manggulo lamang, partikular na sa Twitter.
Kaya upang kontrolin ang mga ganitong pangyayari, inilunsad ng kilalang social network company ang bagong reporting feature upang pigilan ang pagkalat ng maling impormasyon na may kaugnayan sa eleksyon.
Mayroon na ngayong sariling report option ang Twitter para i-report ang mga kaduda-dudang tweets na ang layunin ay guluhin ang eleksyon at mga botante. Una nang inilunsad ang naturang feature sa India at Europa.
Maaari nang i-report ang mga gumagamit ng Twitter na sinusubukang lituhin ang mga botante sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa araw o lokasyon ng botohan, ibahin ang mga requirements para makaboto at marami pang iba.
Upang gawin ang report, pindutin lamang ang arrow menu at piliin ang “It’s misleading about voting” option sa mismong tweet.
Paglaganap ng maling impormasyon
Isa lamang ang bagong option na ginawa ng Twitter sa napakaraming messaging service app sa India at Europa. Pinangako ng Twitter na sisikaping magamit ang naturang feature sa buong mundo para sa lahat ng tao ngayong taon.
“Any attempts to undermine the process of registering to vote or engaging in the electoral process is contrary to our company’s core values,” wika ng Twitter safety team sa isang online post.
“We are further expanding our enforcement capabilities in this area by creating a dedicated reporting feature within the product to allow users to more easily report this content to us.”
Dagdag pa ng kumpanya, ang grupo na nakatakdang sumuri sa mga ni-report na tweets ay sinanay bilang parte ng “enhanced appeals process” kung sakaling merong umapela sa pagtanggal ng posts.
“You may not use Twitter’s services for the purpose of manipulating or interfering in elections,” suhestiyon ng Twitter.
Maling impormasyon, tatanggalin
Ilan sa mga halimbawa ng tweets na tatanggalin ng Twitter ay ang mga nagsasabing maaaring bumoto gamit ang e-mail, cellphone, text messaging at maging ang Twitter messages ng mga botante.
Aminado ang Twitter at iba pang online social media services na mahirap sugpuin ang pagkalat ng maling impormasyon na naglalayong lituhin ang mga botante sa kanilang platforms, katulad na lamang ng nangyari noong US presidential election noong 2016.
Gayunpaman, ginagawa nila ang lahat upang pigilan ito.
Paghahanda sa 2020 US elections
Sa karagdagan, hindi pa maaaring gamitin ang reporting feature sa US, ngunit nagsusumikap ang kumpanyang trabahuhin ito.
“We’re exploring this for critical elections outside the United States, and we’ll provide an update on 2020 if and when we have one,” wika ng spokesman ng kumpanya.
Isa lamang ang reporting feature sa mga hakbang ng Twitter upang i-promote ang “healthy conversation” sa kanilang platform.
Nakipagpulong din si Twitter CEO Jack Dorsey kay President Donald Trump upang pag-usapan ang mga hakbang na maaaring gawin upang protektahan ang mga pampublikong pag-uusap sa social network bago dumating ang nalalapit na 2020 US elections.
Ayon sa ulat, inalis ng Twitter ang mahigit 10,000 accounts na naglalayong pigilin ang mga tao na bumoto sa US midterm elections noong Nobyembre 2018. Sinuspindi rin ang mahigit 1 milyong accounts sa loob lamang ng isang araw noong Hulyo 2018 na parte ng hakbang laban sa disinformation.