Ni: EYESHA N. ENDAR
NANINIWALA ang karamihan ng mga Pilipino sa kakayahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pamunuan ang bansang Pilipinas.
Pinatunayan ito sa huling isinagawang huling survey ng Pulse Asia, na 85 porsyento sa mga Pilipino ay may tiwala pa rin sa pamamahala ng Pangulo.
Sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, pinasalamatan niya ang lahat ng mga taong nanatiling naniniwala pa rin sa kanya.
“Let me begin by extending my hand in gratitude to all who kept faith with me in our most trying times. Numbers speak a thousand words and tell a hundred tales. But the landslide victory of the administration candidates as well as the latest survey results shows that my disapproval rating is 3 percent,” panimulang talumpati ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA.
Binigyang diin ng Pangulo na ang tiwalang ibinigay sa kanya ng mga Pilipino ang kanyang inspirasyon kung bakit kahit pagod na siya at gusto nang sumuko pero pinaninidigan pa rin niya ang kanyang trabaho bilang Pangulo ng bansa.
Pinangako ng Pangulo na patuloy siyang makikipaglaban hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino.
“I will end my term fighting,” ani Pangulong Duterte.
Hindi rin niya ikinaila na nasasaktan siya dahil sa nakalipas ng tatlong taon, hindi pa rin natapos ang operasyon ng iligal na droga sa bansa at nanatili pa rin ang korapsyon sa hanay ng gobyerno.
Dahil dito hiniling ni Duterte sa Kongreso na ipasa ang panukalang batas ng Death Penalty para sa mga heinous crime, kasama rito ang plunder.
Naniniwala ang Pangulo na isa sa dahilan ng korapsyon ay ang pagiging makasarili ng mga politiko na niluklok ng taumbayan sa posisyon.
Kaya nanawagan siya sa publiko na tulungan siyang magampanan ang kanyang trabaho dahil hindi niya kayang mag-isa.
Inako ng Pangulo ang buong responsibilidad sa mga bagay na dapat ginawa ngunit hindi pa nagawa sa nakalipas na tatlong taon ng kanyang pamamahala kahit hindi niya kasalanan.
Aniya, “ I assume full responsibility for that. As President, I cannot pass it … the blame to anybody. So it’s on me.”
“Though we cannot change the past, we will not squander the future. I will push harder in the pursuit of programs that we have started, but always within the parameters of the law. I will not merely coast along or while away my time during the remaining years of my administration. It ain’t my style,” pahayag ng Pangulo.
Hindi siya titigil hangga’t hindi niya marating ang finish line.
“I will not stop until I reach the finish line,” diin ng Pangulo.
Umani ng mga papuri
Halos papuri naman ang nakuha ni Pangulong Duterte sa lahat ng mga mambabatas na nakinig sa kanyang talumpati at aminado ang mga ito na inspirasyon at pag-asa ang ibinigay ng Pangulo sa lahat ng mga Pilipino.
Sinabi ni Sen. Francis Tolentino na napahanga siya sa paninindigan ng Pangulo pagdating sa pagsugpo sa droga at korapsyon.
Ikinatuwa naman ni Sen. Grace Poe, ang pagsusulong ng Pangulo na maitayo ang Department of OFW, Department of Resilience at National Land Use Act.
Nagbigay ng 98 out of 100 na grado si dating PNP Chief Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa dahil naniniwala siyang totoo ang lahat ng binanggit ni Pangulong Duterte sa SONA.
Handa umano siyang tulungan ang Pangulo para mapagtagumpayan ang giyera laban sa droga at tuluyang mawala ang mga kurakot sa lipunan.
Sinabi naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque, na tama ang paninindigan ng Pangulo na hindi makipag-giyera sa China hinggil sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Bagamat pinayagan umano ng Pangulo na mangisda ang China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, hindi naman ito nangangahulugan na isinuko na ng Pangulo ang ating teritoryo.
Ayon naman kay Sen. Imee Marcos, malaking tulong na nabigyan ng diin ni Pangulong Duterte ang poverty reduction dahil marami pa ring mga mahihirap sa bansa.
Sinabi ni Sen. Koko Pimentel na maging gabay nila sa paggawa ng batas ang mga mensahe ng Pangulo sa kanyang SONA.
Ayon naman kay dating Pangulo at House Speaker, Gloria Macapagal-Arroyo, maraming magagandang naitanim si Pangulong Duterte sa nakalipas na 3 taon, at ito ang magiging daan kung bakit mas lalo siyang mamahalin at tutulungan ng mga mambabatas at ng taumbayan.
Hindi rin umano siya magbigay ng payo sa Pangulo dahil alam nito ang kanyang gagawin.
“No advice because he knows best,” pahayag ni Arroyo.
Mga hindi nabigyang importansya
Samantala dismayado naman si Rep. France Castro ng ACT Party-List, dahil gumawa lang umano ng bagong pangako ang Pangulo na pataasan ang sweldo ng mga guro pero mas maliit pa rin kumpara sa doble na sahod ng mga uniformed personnel.
Ayon kay Rep. Neri Colmenares, Chairman ng Bayan Muna Party-List, nabigo ang Pangulo na matugunan ang mga pinaka-importanteng isyu na dapat nitong banggitin sa SONA tulad ng poverty, human rights at ang isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi naman kuntento si Sen. Risa Hontiveros, dahil nabigo umano ang Pangulo na ipagtanggol ang soberinya ng Pilipinas bagkus nangangabugado pa ang Pangulo sa bansang China.
Sinabi rin ng political analyst na si Prof. Antonio Contreras, hindi siya kumbinsido sa dahilan ng Pangulo kung bakit nito pinayagang mangisda ang mga Chinese sa karagatan na pagmamay-ari ng Pilipinas.
Aniya, hindi siya naniniwala na makipag-giyera ang China sa Pilipinas dahil ayaw nitong masira ang kanilang imahe sa iba pang mga bansa na may concern din sa WPS.
Dapat suportahan ang Pangulo
Inilalarawan naman ng Integrated Development Studies Institute (IDSI) na “think tank” ang SONA ni Pangulong Duterte, isang “straight from the heart” na pag-uulat sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng bansa.
Sinabi ni George Siy, isang development expert at director ng IDSI, na ipinarating ng mensahe ng Pangulo na dapat ang bawat Pilipino, sa public at private sectors ay magkaisa para sa ikabubuti ng bansa.
Isa umanong kapuri-puri at nagbibigay ng inspirasyon na lider si Pangulong Duterte, nakabatay sa reyalidad, ma-awtoridad at pasensyoso.
Ani Siy, malinaw na nailalahad ng Pangulo sa SONA ang kanyang mga major achievement, ang “smart diplomacy” sa isyu ng WPS, maging ang mga prayuridad na programa sa natitirang tatlong taon na panunungkulan nito.
May pag-asang maging 1st world country ang Pilipinas
Ayon naman kay Pastor Apollo C. Quiboloy, executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name (TKJCTNAEN) at may-ari ng Sonshine Media Network International (SMNI), spiritual adviser at matalik na kaibigan ni Pangulong Duterte, dapat magkaisa na manalangin ang mga Pilipino at tulungan ang Pangulo na makamit nito ang magandang layunin para sa bansa.
“Government officials specially the Congress should back up the desire of the President because there is nothing in his heart, but the development of the Philippines,” pahayag ni Pastor Apollo.
Binigyang-diin pa ni Pastor Apollo na kung tutulungan at susuportahan ng mga Pilipino ang Pangulo malaki ang posibilidad na maging first world country ang Pilipinas.
Nilinaw naman ni Pangulong Duterte na wala siyang ibang layunin kundi ang mabigyan ng maganda at maayos na buhay ang bawat Pilipino sa nahuhuling tatlong taon ng kanyang panunungkulan.
“I dream of glowing days ahead for every Filipino. I dream of a Philippines better than the one I grew up with,” pahayag niya.
“This is my pledge and commitment for just three years, if I can. If I cannot, I’m sorry. But I shall continue to comply with my constitutional duty to serve and protect the Filipino, until the last day of my term,” pangakong binitawan ng Pangulo bago niya tinapos ang talumpati sa kanyang ika-apat na ulat sa bayan.