DENNIS BLANCO
ANG Local Agenda 21 ang isa sa mga pinakamakabuluhang dokumento na nagbibigay diin sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagbalangkas at pagpatupad ng mga plano, polisiya at programang may kaugnayan sa sustainable development.
Inilalagay ng Local Agenda 21 sa mga kamay ng mga lokal na pamahalaan ang mas matinding responsibilidad na pagsumikapang abutin ang mga nakasaad sa Sustainable Development Goals 2030.
Batay sa Kabanata 28 ng Local Agenda 21, “ang mga lokal na awtoridad ang bumubuo, namamalakad at nagpapanatili ng ekonomiko, sosyal, environmental na imprastraktura, siyang nagsusubaybay sa proseso ng pagpaplano, gumagawa ng mga batas sa pangangalaga ng kalikasan sa lokal na pamayanan, at tumutulong sa pagpapatupad ng mga national at subnational na patakaran hinggil sa pagkakamit ng sustainable development.
Dahil ang mga lokal na pamahalaan ay ang antas ng gobyerno na mas malapit sa mamamayan, mahalaga ang tungkulin nila sa pagbibigay ng edukasyon, pagtitipon ng pondo at kakayahan lalong-lalo na sa pagtugon sa mga suliranin ng publiko sa pamamagitan ng mga sustainable development programs” (gdrc.org).
Para kila Fidélis and Pires (2009), ang Local Agenda 21 ay nagbibigay ng mahusay na balangkas para sa pagpoprograma at pagpapatupad ng sustainable development sa lokal na pamahalaan at nagsisilbing pangunahing dokumento para sa kasalukuyang istratehiya ng mga ito na isama ang environmental, economic at social sustainable development goals sa kanilang pamamahala.
Nagbigay din sila ng mga rekomendasyon kung paano pa mapag-iibayo ng mga lokal na pamahalaan ang pangangasiwa ng sustainable development at ito ang mga sumusunod, 1) Ang pangangailangan na lalo pang pakikibahagi ng mga pambansang pamahalaan sa Local Agenda 21 sa pamamagitan ng pagkilala na ito ay makabuluhang polisiya at desisyon na mekanismo, 2) ang maigting na pakikibahagi ng mga liga ng mga bayan at lungsod lalo na’t may pribilehiyo ito at mas higit na access sa mga lokal na lider ng pamahalaan, at 3) mas malaking pagkakataon na palawakin pa ang investment sa pamamagitan ng pag-develop ng mga partnerships sa loob at labas ng lokal na pamahalaan, ganun na rin ang pagtutulungan ng mga kagawaran sa loob nito.
Ayon naman kay Geissel, ang Local Agenda 21 ay “isang anyo ng sama-samang pamamahala na puwedeng magpagaling ang civic skills at social capital ng isang lipunan. Sa bandang huli, ang Local Agenda 21 ay isang malaking hakbang para mapalapit ang mga pampublikong serbisyo ng pamahalaan sa mamamayan upang mabigyan ng tamang konteksto ang sustainable development na gawain, sa puso at diwa ng mga lokal na pamahalaan lalong lalo na mga lalawigan, lungsod, bayan at mga barangay. Panahon na para tangkilikin at ipatupad ang Local Agenda 21.
Sanggunian:
Fidélis, Teresa & Pires, Sara Moreno. 2009. “Surrender or Resistance to the Implementation of Local Agenda 21 in Portugal: The Challenges of Local Governance for Sustainable Development.” Journal of Environmental Planning and Management 52 (4): 497-518. doi: 10.1080/09640560902868363.
Gdrc.org. n.d. “Urban Environmental Managament. “retrieved from http://www.gdrc.org/uem/la21/la21.html July 15, 2019
Geissel, Brigitte. 2009. “Participatory Governance: Hope or Danger for Democracy? A Case Study of Local Agenda 21.” Local Government Studies, 35 (4): 401-414. doi: 10.1080/03003930902999522