HANNAH JANE SANCHO
NAGSIMULA na ang bagong kabanata partikular na sa mga nahalal sa mga lokal na pamahalaan sa bansa matapos silang manumpa sa tungkulin kamakailan.
Marami sa ating mga kababayan ang nagulat nang wakasan ng ilang nanalo sa halalan ang pamumuno ng mga malalaking pangalan na matagal na panahon nang nanatili sa politika.
Tulad na lamang ng bagong alkalde ng Pasig City na si Vico Sotto, anak ng mga kilalang pangalan sa industriya ng showbiz na sina Vic Sotto at Connie Reyes.
Tinuldukan ni Vico Sotto ang 27 taong pamamahala ng pamilyang Eusebio sa Pasig sa kaniyang pangako na “Pasig pasa naman sa mga Pasigueño.”
Kung nabigla ang mga taga Maynila, higit na nagulat ang pinalitang alkalde ni Francisco Domagoso o mas kilala sa pangalang Isko Moreno si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada matapos matalo nitong nakaraang halalan.
Malakas kasi ang kumpiyansa ni Erap na maipapanalo pa niya ang ikatlong termino bilang alkade ng Maynila.
Hindi lamang kasi natalo si Erap sa Maynila dahil pati ang mga kaanak nito na tumakbo sa San Juan ay natalo din ng pamilyang Zamora.
Tinapos ng bagong alkalde ng San Juan na si Francis Zamora ang mahigit limang dekadang pamumuno ng pamilyang Estrada-Ejercito sa lungsod matapos talunin ang anak ni dating senador Jinggoy Estrada na si Janella Ejercito Estrada.
Multiple whammy kung tutuusin sa Pamilya ni Erap itong 2019 national at local elections dahil natalo rin ang mga anak nito na tumakbo sa Senado na sina Jinggoy at JV Ejercito.
Kakaiba naman ang kwento ng magsasakang si Joseph Valdez na nahalal na mayor sa Sta Lucia, Ilocos Sur. Winakasan nya ang dalawang dekadang pamumuno ng pamilyang Hernaez.
Nakuha niya ang boto ng kaniyang mga kababayan dahil sa kaniyang simpleng pamumuhay ay wala rin itong ambisyon para magkamal ng pera mula sa kaban ng bayan.
Tinapos naman ang 30 taong dynastiya ng pamilyang Demaala sa Narra, Palawan matapos manalo si Gerandy Danao bilang alkalde.
Isang goat farmer si Danao na nagnanais mapaganda ang farm to market road ng kanilang bayan at mapalakas ang kanilang agribusiness.
Maituturing na bagong kabanata ang kwento ng mga bagong halal na opisyal ng bayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sana nga ay maipatupad nila ang mga pagbabago na ipinangako nila sa kanilang mga kababayan kaya sila ang binoto kapalit ng mga matagal nang naglingkod.
Umaasa ang marami sa mga botante na hindi kakainin ng sistema ang mga bagong sibol na mga government official at magiging katulad ng ibang politikong pinalitan nila.
May iilan kasi na bagamat sa una ay naging sinsero sa kanilang mga pangako na maging matapat sa panunungkulan, kalaunan ay nakain ng sistema at naging tiwali na rin.
Dapat tandaan ng mga bagong halal ng bayan na ang panunungkulan sa bayan ay hindi isang karapatan kundi isang pribelihiyo na makapagsilbi sa bayan kaya nararapat lang na suklian nila ito ng katapatan at kasipagan sa kanilang paglilingkod sa taumbayan.