Ang mga bagong riles ay bahagi ng rehabilitasyon na isinasagawa sa MRT-3.
DARATING na sa bansa sa Hulyo hanggang Agosto ang mahigit 50% ng mga bagong riles ng MRT-3.
Ayon sa Department of Transportation o DOTr, mas mapapaaga ito ng ilang buwan sa nakatakdang iskedyul ng delivery.
Kamakailan aniya ay ininspeksyon ang mga ide-deliver na riles ng DOTR-MRT 3 Factory Acceptance Test (FAT) team for rails sa pangunguna ni MRT-3 Director for Operations Michael Capati sa Fukuoka, Japan.
Sinabi ng DOTr na oras na matapos ang rehabilitasyon ay inaasahang aakyat sa 20 ang operating trains tuwing peak hours, dodoble ang bilis ng tren sa 60 kilometer per hour at mangangalahati ang waiting time sa pagitan ng mga tren sa 3.5 minutes.
Dodoble rin ang kapasidad ng MRT-3 sa 650,000 pasahero kada araw.
Humingi naman ng kaunti pang pasensya at pag-unawa ang DOTr sa mga pasahero ng MRT-3 kasabay ng pagtitiyak na ginagawa nila ang lahat para maisaayos ang train system para sa ikagiginhawa ng mga ito.