Sa ngayon mas marami na ang bilang ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado, mas malaki na ang tsansa na maibalik ang parusang kamatayan sa bansa. (Larawan mula sa PCOO)
Ni: QUINCY JOEL CAHILIG
PANGUNAHING kampanya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang pagsugpo sa droga at iba’t-ibang klase ng krimen sa bansa tungo umano sa mas mabilis na pag-unlad ng bansa.
Kung may kapayapaan sa mga lansangan, mas maeengganyo ang mga investors na mamuhunan at mas panatag na makakapagtrabaho ang mga empleyado. Dito nga naka-angkla ang tagline na “Change is coming”, na pinanghahawakan ng bawat Pinoy, lalo na ang mahigit 16 milyon na bumoto kay Duterte noong 2016 elections.
Ang electric chair ay isang paraan ng pagbitay na isinagawa sa Pilipinas, na dinala ng mga Amerikano sa bansa noong 1920s. Kabilang sa mga napatawan ng parusang ito si Marcial “Baby” Ama sa kasong murder. (Larawan mula sa Wikipedia)
Ang pagsasabalik ng death penalty ay isa sa mga solusyon na nakikita ng Pangulo para masupil ang masasamang elemento sa lipunan dahil hanggang sa ngayon, marami pa rin ang mga halang ang kaluluwa na gumagawa ng henious crimes.
“It is time for us to fulfill our mandate to protect our people. Tapos na ‘yan. For so long we have to act decisively on this contentious issue. Capital punishment is not only about deterrence, it’s also about retribution,” wika ng Chief Executive sa kanyang unang State of the Nation Address.
Aniya pa, kailangan bigyan ng katatakutan ang mga kriminal na walang takot gumawa ng kasamaan.
“In the Philippines, it is really an eye for an eye, a tooth for a tooth. You took life, you must pay for it with life. That is the only way to even. You cannot place a premium on the human mind that he will go straight,” aniya.
Panahon pa ng mga Kastila, umiiral na ang capital punishment o death penalty sa bansa. Kabilang nga sa mga napatawan nito ang mismong Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal na in-execute by firing squad. Noong 1920s, dinala ng mga Amerikano ang pagbitay gamit ang silya elektrika para sa capital crimes gaya ng rape, treason, at murder. Subali’t 1950 na nang unang nagamit ito sa pagbitay kay Julio Gullien dahil sa tangkang pagpatay kay Pangulong Manuel Roxas.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos ay tumaas ang bilang ng mga nabitay nguni’t nang mapatalsik siya sa pwesto, pansamantalang nahinto ang pagpataw ng death penalty sa ilalim ng 1987 Constitution. Ibinalik naman ni Pangulong Fidel Ramos ang capital punishment gamit ang gas chamber, electric chair, at lethal injection bilang tugon sa noo’y lumalalang bilang ng krimen sa bansa at nagpatuloy ito hanggang sa administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada. Taong 2006, sinuspinde ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang death penalty sa bisa ng Republic Act 9346.
PAGBITAY DAPAT ISAPUBLIKO
Sa ikatlong taon ng Duterte administration tinatayang mas malaki na ang tsansang maibalik ang death penalty dahil sa pagkakapanalo ng mga senador na kaalyado ng Pangulo sa nagdaang midterm elections.
Sa katunayan, bago ang pagbubukas ng ika-18 Kongreso, kasama ito sa mga inihain na mga panukalang batas ng mga kilalang kaalyado ng administrasyon na sina senador Bong Go, Ronald Dela Rosa, at Manny Pacquiao, at maging si Panfilo Lacson na kasapi ng majority block.
Halos magkakapareho ang panukala ng mga mambabatas na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga henious crimes at mga high-profile drug criminals. Nguni’t sa version ni Lacson, kasamang papatawan ng bitay ang mga guilty sa plunder, rape, murder, terrorism, treason, at human trafficking.
Nais isulong ni Sen. Ronald dela Rosa ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad, na dapat ay mapapanood ng publiko para hindi pamarisan ang mga kriminal. (Larawan mula sa PNA)
Kung tatanungin si Senador Ronald dela Rosa, kung maibabalik ang bitay, ang gusto niyang paraan ay sa pamamagitan ng firing squad. Ito aniya ang isa sa kanyang pangako noong kampanya na pilit umano niyang tutuparin.
“I have no other campaign promise or platform when I run for Senator except for death penalty for drug trafficking. I have to do that. The people voted for me and I won with that platform,” wika ni dela Rosa sa mga kawani ng media sa nakaraang PNP Civil Security Group–Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA) 2019 Stakeholders’ Summit sa Camp Crame, Quezon City.
Gusto ng bagitong senador at dating Philippine National Police chief na isapubliko ang mga executions para di pamarisan ang mga kriminal.
“If you want, we can have it through firing squad in a plaza covered live by media so that the people will be reminded not to be lured into this activity,” aniya.
Subalit nilinaw ni Dela Rosa, na dating chief ng Bureau of Corrections, na mga high-profile drug offenders lang ang dapat bitayin.
“Not for all crimes. As I have said, small-time drug peddlers, pushers or users won’t be included. My version of the death penalty is for drug trafficking, those who flood the country with illegal drugs. There should be a ceiling. For example, if you are caught in possession of at least 1 kilo of shabu, you are classified as a drug trafficker. It can be like that,” paliwanag ni Dela Rosa.
Bagama’t dehado sa bilang, di basta-basta palulusutin ng minority block sa Senado ang panukalang ibalik ang death penalty ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon. (Larawan mula sa PNA)
DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM
Sa kabila ng ingay ng pagbabalik ng bitay, ipinahayag naman ni Senate Minority leader Franklin Drilon na hindi basta-basta makakalusot ang panukala sa Senado. Nangako si Drilon na matinding pagkontra ang gagawin ng minority block sa hakbang na muling maisabatas ang death penalty– kahit na dehado ang kanilang bilang pagdating sa plenaryo.
“We are prepared to fight it all the way. It will be a tough fight considering that it is administration-backed legislation and a number of senators have openly endorsed its passage. Let alone our diminished number in the Senate,” wika ni Drilon. “Notwithstanding these difficulties, we will do our best to prevent it. We will never allow the 18th Congress to give license to authorities to kill the poor.”
Wika pa ng beteranong mambabatas, hindi sagot ang death penalty para masugpo ang krimen dahil sa mga butas sa justice system.
“It has been proven time and again that capital punishment is not an effective deterrent to crimes. Only the poor will be made the victim of this measure,” sabi ni Drilon.
Tila hati naman ang opinyon ng mga mamamayan sa panukalang ito. Ayon sa survey ng Social Weather Stations, pito sa 10 Pinoy ang tutol na muling ibalik ang parusang kamatayan para sa ilang “serious crimes.” Subalit 47 porsyento ang gustong maibalik ang parusang bitay para sa kasong “rape under the influence.”