MAG- oovertime ang Mababang Kapulungan ng Kongreso upang maisulong ang Department of OFW Bill matapos ang mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisabatas ang panukala bago matapos ang taon.
Sa isang panayam sa Hong Kong, sinabi ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na sa kaniyang pag-upo bilang speaker matapos makuha ang endorsement ng pangulo ay gagawan nila ng paraan sa Kongreso upang makuha ang target date ng pangulo sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Cayetano, national bill ang OFW Department kaya maaaring magkaroon ng sabay na hearing ang Senado at Kamara para lamang maipasa ang panukala.
Punto pa ni Cayetano, malaki ang “advantage” ngayon ng magandang ugnayan ng Kamara at Senado dahil magkaroon ng buwanang meeting ang speaker at Senate president at mga kinatawan ng executive department para sa pagsusulong ng mga “priority legislation” ng administrasyon sa lalong madaling panahon.
Bukod sa Department of OFW Bill, target din ni Cayetano sa pag-upo nito bilang speaker na agarang maipasa ang 2020 National Budget at ang ikalawang tranch ng Tax Reform Program.