HANNAH JANE SANCHO
NALALAPIT na ang panahon na matatapos na ang pambibiktima ng mga illegal recruiters sa mga kababayan nating nais magtrabaho sa ibang bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng paglikha ng isang ahensiya ng pamahalaan na tututok sa lahat ng pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers.
Kamakailan ay naghain ng panukalang batas si Senator Christopher Lawrence Go, ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019 o Senate Bill No. 202.
Layunin nito na ang pamahalaan na mismo ang maging recruiter ng mga kababayan nating nais magtrabaho sa ibang bansa.
Makakasiguro aniya ang mga Pilipino na magiging ligal ang lahat ng employer na papasukan nila sa ibang bansa.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte napapanahon na upang gawin ito ng pamahalaan dahil sa matagal nang naabuso ng mga illegal recruiter ang mga kababayan natin.
Sinabi naman ni Senator Go na kailangan matigil na ang mga ginagawa ng illegal recruiters dahil na rin sa naaawa na ito sa mga biktimang lumalapit sa kaniya na humihingi ng tulong.
Kapag naisabatas na ang nasabing panukala ay ililipat na sa bagong departamento ang lahat ng tungkulin ng Philippine Overseas Employment Administration, Overseas Workers Welfare Administration, Office of the Undersecretary for Migrant Worker Affairs ng Department of Foreign Affairs, Commission on Filipinos Overseas, at ng International Labor Affairs Bureau.
Nasa isang ahensiya na ang lahat ng pangangailangan ng OFW at hindi na kailangan lumipat pa sa iba’t ibang address ng mga nasabing opisina. Malaking ginhawa rin ito sa mga naglalakad ng mga papeles o may mga reklamo.
Magkakaroon din ng isang Overseas Filipino Assistance Fund na magbigay ng pinansiyal na suporta sa mga migranteng Pilipino na nangangailangan ng tulong kasama na dito ang repatriation o ang pagpapabalik sa bansa sa kanila at life-saving funds sa panahon ng emergency.
Layunin din ng Department of OFW na magkaroon ng programa ng pagsasanay at mga pautang sa kabuhayan para sa mga OFW na ayaw nang mangibang bansa.
Magtatatag din ng mga OFW malasakit centers sa buong bansa upang magkaroon ng mas magandang serbisyo sa lahat ng pangangailangan ng migrant workers at ng kanilang pamilya katulad na lamang ng paglalakad ng kanilang permit at ang pagpapaabot ng kanilang mga reklamo at hinaing.
Naniniwala si Senator Go na posibleng i-certify as urgent ni Pangulong Duterte ang panukala matapos ihayag nito ang kaniyang suporta para dito.
Target ni Pangulong Duterte ang mailunsad ang Department of OFW ngayong Disyembre bilang aguinaldo ngayong Pasko sa lahat ng mga OFWs at kanilang pamilya.
Sana ito na ang simula ng ginhawang maibibigay ng pamahalaan sa mga nangingibang bansa nating mga kababayan.
Isang malaking sakripisyo na ang kanilang pagtrabaho sa bansa sa maraming taon.
Napapanahon na maramdaman hindi lang ng OFW at ng kanilang pamilya kundi ng buong bansa ang mga benepisyong maibibigay sa kanila ng gobyerno gayong malaki rin ang naiaambag ng mga remittances ng mga bagong bayani ng bansa.
Mapapalitan na ng magagandang balita ang maririnig ng ating mga kababayan kaugnay sa kapakanan ng mga OFWs.