Louie C. Montemar
MAY ilan taon na rin ang nakaraan nang gumawa ako ng isang impormal na pag-aaral sa lagay ng Divisoria. Nais kong ilahad rito ang ilang nalaman ko mula sa pakikipanayam sa mga ngayon ay pinaalis na “illegal vendors” ng Divisoria.
Ang mga “vendors” sa mga sidewalk at kalye ng Divisoria ay extension ng mga tindahan ng malalaking negosyante doon.
Ang mga nagtitinda para sa malalaking negosyante ay halos wala ring kinikita at nabubuhay lamang sa pangungutang.
Kaliwa-kanan silang nahuhuthutan ng iba’t ibang pwersa pati na ng isang “underground government” ng Divisoria (bawat kalsada ay may “organizer”).
Sinisingil sila ng P70-P80 para sa bawat bombilya araw-araw (sa mga kinakabitan ng ilaw) at P20-P40 kada araw para sa bodega para sa kanilang mesa at iba pang gamit sa pagtitinda; P25 kada araw para sa koleksyon ng basura, habang ang lokal na pamahalaan naman ay naniningil ng halagang P30 sa bawat 1.5 sq.m. na pwesto. Pinakamabigat pa ang kanilang paninda ay inuutang sa malalaking tindahang may legal na pwesto. Ang interes ng pautang ay umaabot hanggang 40 porsyento!
Kung tutuusin, kalunus-lunos na ang kanilang kalagayan bago pa man sila paalisin sa sidewalk. Nabubuhay sila sa pagkakautang. Ang pagtitinda sa sidewalk ng Divisoria ay ginagamit lamang nila na garantiya para patuloy silang pautangin. Ang tunay na nakikinabang sa pagtitinda sa tabi ng Divisoria ay ang malalaking negosyante, mga mangongotong at, higit sa lahat, ang mga smugglers sa Customs.
Tunay na nangangailangan ng tulong ang mga maliliit na magtitinda sa Divisoria. Kailangan sila iligtas sa lahat ng linta na kumakapit sa kanila. Kailangang hubaran ng todo ang mga nakatagong iligal na negosyo sa Divisoria. Alam ng mga maliliit na magtitinda ang lawak ng kapangyarihan ng mga smugglers sa Divisoria. Ang mga malalaking negosyante sa Divisoria ay tiyak na nagkukulang sa pagbabayad sa buwis kaya nga mahirap humingi ng official receipt o invoice sa kanila.
Magpalalim pa ng pagsusuri at paghimay sa kalagayan ng vendors at ng Divisoria.