DENNIS BLANCO
NILAGDAAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11291 noong Abril 12 bilang bahagi ng patakaran ng pamahalaan na maibsan ang kahirapan. Subalit ito ay ipinaalam lamang sa media noong Mayo 27. Maituturing itong patakarang “war on poverty” ng kasalukuyang administrasyon.
Ang salitang “magna carta” ay halaw sa isang kasunduan ng kapayapaan sa pagitan ng hindi popular na si King John of England at ng mga rebeldeng barons. Ito ay nangako ng proteksyon ng karapatan ng simbahan, proteksyon ng mga barons sa iligal na pagkakakulong, at pagbibigay ng agarang katarungan. Ang konsepto ng magna carta of the poor ay hindi bago, una itong pinanukala sa panahon pa ni dating Pangulong Benigno Aquino noong 2013 subalit hindi ito naipasa dahil sa agam-agam na may kinalaman ito sa kakayahan ng pagpondo ng gobyerno sa mga programa nito.
Ang nasabing batas ay may limang areas na kailangang itaguyod para mabigyan ng kalutasan ang problema ng kahirapan: pagkain, trabaho, pabahay, kalusugan at edukasyon. Ang bawat sektor na ito ay ipapasailalim sa responsibilidad ng mga government ministries o agencies na siyang magiging accountable sa National Anti-Poverty Commission (NAPC) na siya namang naatasan na magbalangkas ng implementing rules and regulations na kapapalooban ng mga kaparaanan para masubaybayan ang progreso at gawain ng mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Halimbawa, ang mga tinutukoy na partikular na ahensya ng gobyerno na siyang may responsibilidad para sa pagpapatupad ng nasabing batas ay ang sumusunod: a) para sa pagkain, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture, b) para sa trabaho, ang Department of Labor and Employment (DOLE), c) para sa edukasyon, ang Department of Education (DepEd) sa basic education, Commission of Higher Education (CHED) sa tertiary education, at Technical education and Skills Development Authority (TESDA) sa vocational at technical education, d) para sa pabahay, ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), at 5) para sa kalusugan, ang Department of Health (DOH).
Ang kaibahan ng batas na ito sa ibang bersyon ay direktang pag-aatas ng gobyerno sa mga ahensiya ng gobyernong nabanggit na bigyang prayoridad ang paglalaan ng pondo at paggastos sa mga programa laban sa kahirapan lalong-lalo na sa limang areas na nabanggit. Ang diwa ng batas ay nakasandig sa ideya na ang national government at local government units ay dapat na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, lipunang sibil, pamayanan at mamamayan na higit na nangangailangan ng tulong.
Sa bandang huli, ang Magna Carta of the Poor ay isang malaking hakbang para mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga mahihirap. Sana lamang ay manatili itong hindi lamang magandang batas kung hindi isang batas na talagang naisasakatuparan ang mga programang lulutas sa problema ng kahirapan.