Eyesha N. Endar
NANINIWALA ka bang Life begins at 40. Sabi nila nagsisimula ang reyalidad ng buhay sa edad na 40-anyos o iyong tinatawag na midlife.
Ayon sa isang psychotherapist, ito ang bahagi ng buhay natin kung saan patuloy ang ating, paglago, pagbabago at pagpapaunlad sa sarili.
Pero para makamit ito, may mga mahalagang estratehiya na dapat gawin sa pagsisimula ng ating midlife.
- Patuloy ang pagbabago sa buhay. Ika nga, ‘It’s never too late to become a better person’ ‘wag isipin na lahat ng meron ka ay sapat na dahil palaging may paraan upang mas lalong maging magaling at mahusay sa lahat ng larangan.
- Tuklasin kung sino ka ngayon. Binibigyan tayo ng oportunidad ng midlife upang mas higit na makilala ang ating mga sarili, kung ano ang mga nais nating marating sa buhay. Magpatuloy sa pag-unlad at huwag tumigil na mangarap.
- Alisin ang mga negatibong naisip tungkol sa midlife at palitan ito ng mga positibong pananaw.Hindi dapat isipin na huli na ang lahat dahil 40-anyos kana kaya dapat tanggalin ang ‘it’s too late for me’ na ugali bagkus isipin ang mga magagandang bagay na maaaring mangyari sa hinaharap.
- Patuloy na isipin na nasa panahon pa ng kabataan at marami pang pwedeng gawin sa buhay.Nakatutulong ang ganitong pag-iisip upang mas lalong maging produktibo, maging masaya at positibo ang pananaw.
- Matutong lumimot sa nakaraang kabiguan at mag-move on. Gawing inspirasyon ang lahat ng kabiguang naranasan upang makita ang mga magandang bahagi ng buhay. Gumawa ng mga bagong karanasan, yakapin ang mga bagong pagkakataon na makatutulong sa paglago at harapin ang bukas na punong-puno ng pag-asa at mga posibilidad.
- May hangganan ang buhay.Magbubukas ito ng mga bagong pananaw at matutunang tanggapin ang bawat pangyayari masakit man ito o nagbibigay ng saya.
- Maging fashionable, magbihis nang maganda at maayos.Ipakita sa pamamagitan ng pananamit ang pagpapahalaga at respeto sa sarili.
- Alamin kung gaano kahalaga ang mga bagay sa buhay.Dahil sa midlife kailangan nating makita kung paano natin mapagtagumpayan ang mga pagsubok na ating napagdaanan. Alamin ang mga bagay na nagawa mo sa mundo maliit man ito o malaki.
- Patunayan ang sarili.Binibigyan ka ng pagkakataon ng midlife upang mas mahanap mo pa ang iyong sarili. Igalang ito at tuklasin kung ano ang mga gusto mo sa buhay.
- Bigyang halaga ang mga bagay na espirituwal.Ang pagbibigay ng pagpapahalaga at pagtanggap sa mga espiritual na mga bagay ay makatutulong upang makamit ang tunay na kaligayahan. Mababawasan ang depresyon, nakakatanggal ng stress, nawawala ang pag-aalinlangan at kumukunekta sa mga bagay na may kabuluhan.
Sa midlife mo makikita ang tunay na kahalagahan ng iyong sarili. Ito iyong panahon na pwedeng maging kahanga-hangang bahagi ng iyong buhay at pagkakataong gawin ang mga bagay na hindi mo pa nagawa dahil hindi ito ang panahon para sumuko sa mga pangarap.
Ang ating ngayon, bukas at kaligayahan ay nakasalalay sa kung anong naging choices natin para sa ating sarili.
Laging tandaan, hawak mo ang manibela ng iyong sasakyan kaya bumiyahe ka sa direksyon na nais mong tahakin.