MANNY Pacquiao at American Boxer Kieth Thurman
JAMES LUIS
Nagpaabot ng pagbati ang Malacañang kay Sen. Manny Pacquiao matapos manalo sa laban kontra kay American Boxer Kieth Thurman via split decision.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang panalo ni Pacquiao ay tagumpay ng buong bansa.
Ayon kay Panelo, nagpapasalamat ang sambayanang Pilipino dahil muling binigyan ng karangalan ni Pacquiao ang bandila ng bansa.
Aniya, ang pagkapanalo ni Pacquiao ay nagbigay ng pagkakataon para pagkaisahin ang mga Pilipino sa buong mundo dahil sa naipamalas ulit nito ang kanyang angking athleticism, power at Pilipino pride.
Sa unang round pa lamang ay naging mainit na ang bakbakan ng dalawang boksingero, pero hindi nakaligtas sa solidong suntok ni Pacquiao kaya na-knockdown si Thurman.
Muling nakuha ni Pacman ang ikalawa hanggang ika-apat na round kung saan napuruhan muli si Thurman sa fourth round matapos makatanggap ng body shots.
Nakabawi naman ang american boxer pagsapit ng fifth round nang igilid niya sa mga lubid si Pacquiao at pinatikim ito ng kanyang bagsik.
Nagpakita muli ng bagsik si Pacquiao pagsapit ng 10th round nang mapuruhan nito si Thurman sa kaniyang bodega.
Dahil tila ramdam na rin nilang dalawa na close ang kanilang laban, humataw at nagpakitang gilas sina Pacquiao at Thurman sa 12th at final round.
Samantala, matapos ang madugong laban, nanawagan ng rematch si American Boxing Champion Kieth Thurman kay Pacquiao.
Sinabi ni Thurman na bagama’t talo ay tanggap niya ang kaniyang kapalaran sa mga kamay ni Pacquiao na tinawag niyang “Great Legendary Champion”.
Ayon kay Thurman, wala siyang sama ng loob sa naging desisyon ng mga hurado pero nananawagan ito ng rematch kay Pacquiao.
Napag-alaman na ang katatapos na laban ang pinakamalaking premyo na natanggap ni Thurman sa kanyang career.
Samantala, aminado naman si Pacquiao na hindi naging madali ang kanilang laban ni Thurman dahil nakaramdam siya ng pagkahilo bunsod ng mga natamong suntok mula sa kalaban.
Para kay Pacman, “good fight” ang nasaksihan ng kanilang fans dahil magaling at matibay din na boksingero si Thurman.
Sinabi ni Pacquiao na posibleng sa susunod na taon na siya muling sasabak sa itaas ng ring.