MANILA Water, pinag-aaralan kung paano matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga kostumer kabilang dito ang pagkuha ng suplay ng tubig mula sa mga Water District ng Laguna, Cavite at Bulacan.
PINAG-aaralan na ngayon ng Manila Water ang mga posibleng paraan na maaari nilang gawin upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga kostumer.
Kasunod ito ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam kung saan mas mababa na ito ngayon sa 160 meters na critical level.
Ayon kay Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla, kabilang sa kanilang tinitingnan ngayon ang pagkuha ng suplay ng tubig mula sa mga Water District ng Laguna, Cavite at Bulacan.
“We welcome lahat ng efforts to be able to provide additional supply for Metro Manila,” pahayag ni Sevilla.
Sa isinagawang pagdinig kamakailan ng joint committee sa Kamara hingil sa water shortage ay ipinanukala ng, DENR, Maynilad, Manila Water at Local Water Utilities Administration (LWUA) na magkaroon ng Department of Water na siyang mangangasiwa ng tubig sa bansa.
Pinag-usapan din ang pagdagdag ng dam na posibleng itatayo sa Quezon Province, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan bilang tugon sa water shortage na nararanasan tuwing summer season.
Sa kabila naman ng mga pag-ulang nararanasan sinabi ng Pagasa Weather Bureau na posibleng abutin pa ng isang buwan bago bumalik sa normal ang tubig sa Angat Dam.