FRANCISCO Domagoso o mas kilala sa tawag na Isko Moreno ang bagong alkalde ng Maynila. Lahat ng mata ay nakatutok ngayon sa kanya.
Ito marahil ay dahil sa kaliwa’t-kanang papuri na natatanggap niya dahil sa itinuturing na strong political will niya upang maisagawa ang mga pagbabago sa Maynila.
Isa na dito ang clearing operations na ginawa ni Moreno sa Divisoria at iba pang pangunahing kalsada sa Maynila na dati ay puno ng vendors na nagdudulot ng matinding trapik sa lugar. Hindi ito nagawa noon ng mga naunang alkalde ng Maynila habang si Isko ay naipatupad ito ng ilang araw pa lang sa pwesto.
Pinapurihan ni Interior Secretary Eduardo Año ang ginawang hakbang ni Moreno sa lungsod ng Maynila. Isa aniya itong patunay na walang problema ang hindi kayang malutas ng political will at commitment tungo sa pagbabago.
Maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay pinuri ang bagong alkalde sa mga ginawa nitong reporma sa lungsod.
Umaasa naman sina Senador Panfilo Lacson at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na hindi kakainin ng sistema si Moreno at manatili itong mamumuno sa lungsod ng Maynila na malaya sa korapsyon.
Naniniwala din sina Lacson at Atienza na kung magtutuloy-tuloy ang mga ipinatutupad na pagbabago ni Moreno sa Maynila ay malaki rin ang tsansa nito na maluklok sa mas mataas na posisyon sa gobyerno.
Malaki ang kinakaharap ngayon ni Moreno na hamon lalo na kung target nito na maibalik ang dating ganda ng kabisera ng Pilipinas hindi lang ang isyu ng mga nagkalat na vendor ang marami sa Maynila. Ilan din sa kinakaharap na problema ng lungsod ay ang matinding trapik, pagbaha, maduming kalsada, krimen at mga batang hamog.
Isa rin sa maituturing na hamon ni Isko ay ang napakaraming mata na nakatingin sa kaniya na umaantabay sa mga susunod na pagbabago na gagawin o posibleng mga pagkakamali.
Ngayong nagpatupad na rin ito ng mga reporma ay mas lalong tumataas ang mga expectation sa kaniya ng kaniyang mga nasasakupan.
Nawa’y hindi ito maging ningas kugon sa kaniyang mga ipinatutupad na reporma o di kaya ay bumalik sa dati ang mga ginawa nitong pagbabago.
Gayunpaman, naway ipagpatuloy lang ni Mayor Isko Moreno ang mga ginagawa nitong pagbabago na walang ibang layunin kundi ang ibalik ang dating ganda ng Maynila na nasira sa nakalipas na panahon dulot ng kapabayaan.
Sana hindi ginagawa ni Mayor Isko ang mga reporma sa Maynila upang makakuha ng libreng media mileage at magpapogi sa publiko at mga botante.
Marami namang mga alkalde sa bansa na nagsagawa ng mga reporma pero hindi kailanman gumawa ng ingay.
Resulta!
Yan ang pinaka-inaabangan mula kay Mayor Isko Moreno at sana hindi niya biguin ang mga Manilenyo!