Isa sa pinakamasayang araw para sa babae ang araw ng kanyang kasal. Pero marami padin ang naniniwala sa pamahiin na bawal isukat ang wedding gown bago ang araw ng kasal.
TERRIJANE BUMANLAG
NASA modernong panahon na tayo ngayon kung saan halos lahat hi tech na —sasakyan, cellphones, transportasyon, edukasyon, komunikasyon at marami pang iba.
Maunlad na ang ating pamumuhay kung tutuusin, sapagkat pinadali ito ng mga makabagong teknolohiya na lalong gumagaling habang tumatakbo ang panahon.
Sa kabila nito ang usapin sa pamahiin o mga paniniwala sa mga pangyayari na maaring magdala ng malas o suwerte ay patuloy na laganap at hindi nawawala sa kabila ng modernisasyon hindi lang dito sa ating bansa kundi maging sa ibat ibang panig ng mundo.
Ang pusa ay isang malambing na hayop at maituturing na pamilya sa mga mahilig dito kaya sana kung naging itim man ang kulay ng pusa ay huwag itong iwasan at isipin na ito ay malas.
Nagsimula ang paniniwala sa mga pamahiin sa panahon ng Roman paganism kung kailan sinasamba ng mga pagano ang mga diyos diyosan at ang matinding paniniwala ng mga ito dito kahit pa wala naman itong siyentipikong paliwanag. Sa panahon ding ito nagsimula ang pagsusuot ng mga anting anting na proteksyon umano sa mga masasamang elemento.
Ayon kay Jane Risen, Social Psychologist, Associate Professor ng behavioral science sa University of Chicago. Madalas alam ng mga tao na walang kuwenta ang paniniwala sa mga pamahiin pero masyadong malakas ang impluwensya nito kaya hindi nila ito maalis sa kanilang sistema. Madalas din na ang paniniwala sa mga pamahiin ay nagbibigay sa mga naniniwala ng pakiramdam na sila ay kasapi ng isang samahan o may matibay na koneksyon sa ibang tao.
Paliwang ni Risen ang paniniwala sa mga pamahiin kapag lumala ay maaring maging OCD o obsessive compulsive disorder kung saan ang matinding paniniwala sa mga pamahiin at ritwal ay nakaka apekto na ng malaki sa araw araw na pamumuhay.
Halimbawa ang pamahiin na malas ang Friday the 13th dahil ito ang araw na ipinako si Kristo Hesus sa krus. At ikaw ay kailangan operahan sa araw na ito ngunit ipinagpaliban mo dahil sa maling paniniwala na may masamang mangyayari kung ito ay gagawin mo sa malas na araw at petsa.
Dito sa Pilipinas napakaraming pamahiin na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa din ng nakararami. Gaya ng mga sumusunod.
Nagbabakasakali ang mga mag asawang hirap magkaanak sa pagsasayaw sa Obando fertility rites subalit hindi lahat ng nagsayaw sa fiesta ay pinalad na magkaanak.
- Pagsasayaw sa Obando ng mga mag-asawang hindi magka-anak. Ginagawa ito sa buwan ng Mayo sa fiesta ng tatlong Santo sa loob din ng tatlong araw. Marami ang nagpapatotoo sa paniniwalang ito at nagsasabing dahil sa paglahok sa ritwal, sila ay nagkaanak matapos nilang magsayaw sa Obando pero sa kabila nito marami rin ang nagpatotoo na kahit ilang beses na silang nagsayaw sa fiesta sa Obando kasama ang tatlong santo, hanggang ngayon ay hindi parin sila nabibiyayaan ng hinihiling nilang supling.
- Paniniwala na kung makasalubong ng itim na pusa sa daraanan ay wag tumuloy pa sa iyong pupuntahan dahil ikaw ay mapapahamak lamang.
- Hindi pagwawalis sa bahay kapag gabi na dahil lalabas umano ang suwerte.
- Bawal isukat ng babae ang kanyang damit pangkasal bago sumapit ang araw ng kanyang kasal dahil hindi na ito matutuloy.
- Sa paglilipat bahay, ang bigas, asukal, asin at ang poon ang unang ipinapasok upang itaboy ang masamang espiritu at upang maging masagana ang pamumuhay.
- Kumatok sa kahoy kapag nagsasalita ng mga bagay na hindi maganda sa isang tao upang hindi magkatotoo ang iyong mga sinabi.
- Huwag ipadaan ang pera sa bintana dahil sa pinaniniwalang tatakbo ang pera palayo sa iyo.
- Iwasan ang maglabas ng pera o magbayad ng utang sa gabi dahil ito ay magdudulot ng kamalasan pagdating sa pera.
Dahil sa mga paniniwalang ito ng mga Pinoy, kasabay ng paniniwala sa mga Chinese fortune tellers, ang iba’t ibang klase ng mga good luck charms at fengshui ay mabentang mabenta sa mga naniniwala dito. Kaya naman ginawa nadin itong negosyo ng mga tsinoy at lahat yata halos ng mga malls sa bansa ay mayroong pwesto ang mga intsik at nagbebenta ng kung ano anong mga gamit pangpa swerte at pang alis ng malas.
Paano bibitawan ang mga pamahiin?
Una, alamin kung saan nga ba nagsimula ang pamahiin na pinaniniwalaan mo kung ang mga ito ba ay may matibay na pundasyon. Pangalawa, tanggapin na walang katotohanan na makaka apekto sa iyong pamumuhay ang paniniwala sa mga pamahiin. Pangatlo, isiping mabuti na mas nakaka abala ang mga pamahiin kaysa nakakatulong sa iyong buhay at pag asenso. Pang-apat, iwasan ang paniniwala sa mga pamahiin lalo na sa pag gawa ng iyong mga desisyon sa buhay. Panglima, maniwala na mayroon kang kakayahan na gumawa ng sarili mong suwerte.
Anong sinasabi ng Bibliya?
Ang kahulugan ng pamahiin ay pagiging ignorante sa mga bagay na inaakala nilang may kapangyarihan, sa ibang salita, ito ay idolatry.
Hindi sinusuportahan ng bibliya ang paniniwala sa mga bagay na bigla na lang nangyari, dahil lahat ng nangyayari ay kalooban ng Diyos na may kontrol sa lahat ng bagay. Basahin ang Acts 4:28; Ephesians 1:10.
Hindi natin dapat gawing batayan ng ating dapat pananampalataya ang “mga bagay o ritwal na ginawa lamang ng tao gaya ng pamahiin, astrology, black magic, divination, voodoo at sorcery.