SMNI NEWS
PAKIKI-isa ang panawagan ngayon ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa kampo sa mga Eusebio para sa pag-unlad ng lungsod ng Pasig.
Sa kanyang oath taking ceremony, sinabi ni Sotto na dapat nang kalimutan ang mga pangyayari sa panahon ng kampanya at eleksyon.
Matatandaan na naghain ng electoral protest si dating Pasig City Mayor Bobby Eusebio matapos syang talunin ng bagitong si Sotto sa midterm elections.
Sinabi din ni Mayor Sotto na nais niyang silipin ang financial record ng Pasig City upang malaman ang estado ng pera ng nasabing lungsod.
Sa bagong direksyon ng Pasig City, isang participatory governance ang nais isulong ng alkalde para matukoy at masolusyunan ang higit na pangangailangan ng isang Pasigueño.
Partikular na aniyang tutukan ang basic services, programa sa edukasyon, libreng gamot at pagpapa-ospital.
Nangako din si Sotto na labanan ang katiwalian sa Pasig City, lalo na ang pangongotong.
Kasama naman ni Sotto sa kanyang panunumpa ang kanyang amang si Vic Sotto at inang si Connie Reyes at mga kapatid at ilang malalapit na kaibigan nito.