PINAHINTULUTAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtaas ng presyo ng ilang brands ng kape, gatas at patis.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, maglalaro sa .50 hanggang 2 piso kada lata ang taas-presyo sa mga brand ng gatas na Alaska, Alpine, Carnation, Cow Bell at Liberty.
Papalo naman sa .50 hanggang .85 ang imamahal ng kada pakete ng Loris Patis habang piso kada paketa ang dagdag sa presyo ng Kopiko Black 3-in-1 na kape.
Sisimulan ang pagpapatupad ng panibagong retail price ng mga nabanggit na brands sa kalagitnaan ng Hulyo o matapos mailathala sa mga pahayagan.
Kasunod nito ay nilinaw ni Catesto na ang pagbabago ng suggested retail price o SRP ng mga produkto ay maaring magbago kada quarter o kada tatlong buwan.
Samantala, pormal namang ipinag-utos ng nasabing ahensya ang pagkakaroon ng English o Filipino translation sa lahat ng imported manufactured goods.
Sa inilabas na department order ng DTI, obligado nang lagyan ng translation ang lahat ng signage, billboards, tags, price list, menu, resibo at maging ang advertising materials ng mga negosyong dayuhan ang kanilang produkto o serbisyo.
Sakop ng kautasan ang mga restaurants, supermarkets at department stores na mayroong imported products.
Ang mapapatunayang lalabag dito ay posibleng pagmultahin ng isang P1, 000 hanggang P3, 000.
Maaari ring maipasara ang establisyimentong mahuhuling lalabag sa nasabing kautusan.