HINDI na binigyan ng palugit ng Department of Justice (DOJ) ang mga opisyal ng Kapa Community Ministry International Inc. para makapaghain ng kanilang counter affidavit upang sagutin ang reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Iginiit ni Assistant State Prosecutor Gilmari Fe Pacamara na un-extendible o hindi na palalawigin ang palugit na hanggang July 29 para maisumite ang kontra salaysay nina Kapa Founder Joel Apolinario, Reyna Apolinario at Rene Catubigan.
Nanindigan ang DOJ na kapag hindi pa rin magsusumite ng kontra salaysay ang mga isinasangkot sa multi billion investment scam ay idedeklara nang submitted for resolution ang kaso.
Samantala sa ikalawang pagdinig kamakailan sa kaso ay muli na namang hindi sumipot ang mga opisyal ng Kapa at tanging ang mga nagpakilalang counsel ng Kapa na sina Atty. Montano Nazario Jr., Atty. Karl Steven Co at Atty. Mae Divinagracia ang dumalo sa pagdinig.
Gayunman ay wala silang dalang counter affidavit sa halip ay hiniling nila na panumpaan na lang ang kanilang counter affidavit sa provincial prosecutor ng Sarangani na pinagbigyan naman ng DOJ panel of prosecutors.