DENNIS BLANCO
KAMAKAILAN lamang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11313, ang Safe Streets and Public Spaces Act o sa mas kilala nitong pamagat na Anti-Bastos Law.
Ito ay nilagdaan ng Pangulo noong Abril 17 pa subalit isinapubliko lamang ng Malacañang noong Hulyo 15. Ang nasabing batas ay naglalayon na protektahan ang mga mamamayan, partikular na ang sektor ng kababaihan, sa ano mang uri ng pambabastos at paglabag sa kanilang dignidad. Higit pa rito, nilalayon din nito na parehas makamtan ng mga lalaki at babae ang pagkapantay-pantay, kaligtasan at kaseguruhan hindi lamang sa kanilang pribadong lugar kundi maski na rin sa mga kalye, mga matataong lugar, sa internet, sa trabaho, maging sa paaralan at mga institusyon ng pagsasanay.
Ayon sa Section 4 ng Article 1 ng Republic Act Number 11313, ang gender-based streets and public spaces sexual harassment ay tumutukoy sa mga sumusunod, “catcalling, wolf-whistling, unwanted invitations, misogynistic, transphobic, homophobic and sexist slurs, persistent uninvited comments or gestures on a person’s appearance, relentless requests for personal details, statement of sexual comments and suggestions.”
Bagamat ito ay isang batas na, magiging malaking hamon ang pagpapatupad nito sa ating lipunang ginagalawan. Dahil dito, inaasahang lalong magiging mahalaga ang papel na gagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng nasabing batas. Kabilang na rito ang, a) pagpasa ng ordinansa o batas para ma-localize ang pagpapatupad nito, b) ipakalat o ipamahagi sa mga matatao o pampublikong lugar ang kopya ng nasabing batas, c) magdaos ng mga information campaign at anti-sexual harassment seminar sa mga educational institutions, d) magpataw ng multa sa ano mang paglabag sa gender-based sexual harassment, e) magbuo ng anti-sexual harassment online, at f) makipag-ugnayan sa Department of Interior and Local Government para sa pagpapatupad ng batas.
Ang pagpasa ng batas na ito ay magsisilbing mahusay na pamatong sa pagsagka sa anomang mga ugali na masasabing malisyoso at masama hindi lamang sa public space o “real communities” kung hindi maski na rin sa cyberspace o “online communities” na kung saan talamak ang mga bastos na comments at statements ng ilang mga netizens.
Sa pagdating ng batas na ito, ay inaasahang magiging responsable ang bawat mamamayan sa kanilang mga gawi at kilos, ganun na rin sa mga salitang kanilang isinusulat at binibitawan. Ang batas na ito rin ay magsisilbing paalala sa mga nasa poder na ang kanilang kapangyarihan ay hindi puwedeng gamitin sa pang-aabusong sekswal sa isip, sa salita at sa gawa sa mga taong kanilang nasasaklawan.
References
Officiagazette.gov.ph.2019. Republic Act No. 11313 otherwise known as an Act Defining Gender-based Sexual Harassment in Streets, Public Spaces, Online, Workplaces, and Educational or Training Institutions, Providing Measures and Prescribing Penalties Therefor. Retrieved from https://www.officialgazette.gov.ph/2019/04/17/republic-act-no-11313/ on July 25, 201