SINIGURADO ni Senator-elect Bong Go na walang hadlang sa pagdaraos ng 30th Southeast Asian Games (Philippines 2019) na may temang “We Win As One” na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019.
Ito ay sa kabila ng nangyayaring gulo o girian sa Philippine Olympic Committee (POC).
Sinabi ni Senator Go, sakaling ganap nang ibigay sa kanya ng Senado ang chairmanship ng Committee on Sports, agad niyang sisikaping plantsahin ang gusot sa POC.
Ayon pa kay Go, handa siyang mamagitan sa gusot sa naturang local Olympic body o ang hindi pagkakasundo at pagkakaunawaan ng mga opisyal nito para magtuloy-tuloy nang walang aberya ang SEA Games.
Tiwala rin naman si Go na matatapos ang mga pasilidad sa New Clark City na gagamitin para sa SEA Games sa Nobyembre.
Sa katunayan, mas maaga umano ng dalawang buwan bago ang pagsisimula ng SEA Games ang ginarantiya ng mga gumagawa sa pasilidad na matatapos ang mga ito.