HANNAH JANE SANCHO
SA matagal na panahon ay walang umento sa sweldo na natanggap ang mga guro at nurses ng bansa.
Kaya naman maituturing na magandang balita na tutugunan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang matagal nang hinaing ng mga guro at nurses sa bansa na magkaroon ng umento.
Ilan ang mga guro at nurses na madalas nangingibang bansa dahil sa mas malaki ang pwede nilang kitain at maiambag sa pangangailangan ng pamilya.
Pero sa nakaraang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ay nagpahayag ito na may maasahang dagdag umento na ang nasabing sektor ng bansa.
Nauna na kasing pinataas ang sweldo kasabay ng mga magagandang benepisyo ng mga sundalo at pulis sa bansa.
Para kay Pangulong Duterte, nararapat aniya na unahin ang umento sa sweldo ang mga sundalo at pulis na handang magbuwis ng buhay para sa bayan.
Ngayong nagsisimula na ang natitirang kalahati ng termino ng administrasyon ay sinisimulan na rin nitong bigyan ng pansin ang iba pang sektor.
Sinabi ng Pangulong Duterte na kailangan tutukan na ng gobyerno ang pagbalangkas ng panibagong Salary Standardization Law para sa umento ng sweldo ng mga pampublikong guro sa bansa pati na rin ng mga nurse.
Bagamat sinabi ng Pangulong Duterte na hindi pa kalakihan ang dagdag sweldo ay pwede na itong simula para sa pagtaas ng natatanggap nilang take home pay.
Umaasa naman ang marami sa ating mga guro at nurses sa bansa na darating ang panahon na hindi na sila mag-iisip na magtrabaho sa ibang bansa dahil may sapat nang oportunidad sa Pilipinas para sila ay kumita ng malaki.