HANNAH JANE SANCHO
NAGING maugong ang ginawang pagpapasalamat ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa mga tripulanteng Vietnamese sa ginawang pagsagip sa 22 Pilipinong mangingisda na naiwang nakalutang sa Recto Bank nitong Hunyo 9.
Sinabayan kasi ng puna ng kalihim ng Agrikultura ang ginawang tulong ng mga Vietnamese matapos nitong sabihin sa media na hindi dapat nasa Recto bank ang mga ito dahil Exclusive Economic Zone ito ng Pilipinas.
Kung tutuusin maganda na sana ang ginawang pagpapasalamat ni Piñol na ipinagpasalamat sa Diyos na nasa malapit lang ang Vietnamese vessel kaya nahingan ito ng tulong ng mga Pilipino.
Pero umani kasi ng kritisismo ang ginawang ito ni Piñol lalo na sa social media na hindi aniya tamang gratitude expression o pagpapahayag ng pagpapasalamat na ipinunto ng aktibistang si Renato Reyes.
Gayunpaman sana isinantabi na lang sa ibang pagkakataon kung nais man ni Piñol na punahin ang presensiya ng mga Vietnamese na sumaklolo at tumulong sa mga kababayang inabandona ng nakabunggo sa kanila.
Mas mainam sana kung mas tinutukan ng pamahalaan ang pagtitiyak na mabigyan ng angkop na imbestigasyon at nararapat na kaparusahan kapag napatunayang may kasalanan ang Chinese Vessel na bumangga sa FB Gem Vir 1.
Mabuti na lamang at personal na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasasalamat sa pagdalo nito sa ASEAN Summit at ipinaabot sa pamamagitan ni Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.
Sa mensahe ni Pangulong Duterte binigyang diin nitong hindi aniya malilimutan ng mga Pilipino ang ipinamalas na kabaitan at malasakit na ito ng mga Vietnamese.
Magugunitang bagamat may agam-agam pa ang mga Vietnamese na tulungan ang dalawang pinoy na lumapit sa kanilang barko na humihingi ng saklolo pero dahil sa obligasyon ng mga nasa laot ang tulungan ang mga nangangailangan sa panahon na kakailanganin nito ay agad na tumulong ito.
Hindi man magkaintindihan ang mga Pilipino at Vietnamese dahil na rin sa language barrier pero naipamalas pa rin nito ang malasakit sa kapwa kapag nangangailangan.