Naunang ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa programang Give Us This Day ni Pastor Apollo Quiboloy ang kanyang utos sa NBI at CIDG na i-shut down ang operasyon ng KAPA dahil isa umano itong scam. (Larawan mula sa PCOO)
Ni: QUINCY CAHILIG
MAUGONG na usapin ngayon ang pagpapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kapa Community Ministry International, Inc. dahil sa umano’y pagkakasangkot ng samahan sa pyramiding scheme.
Sa exclusive interview ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa palatuntunang Give Us This Day, naunang ipinahayag ng Chief Executive ang kagustuhang ipasara ang Kapa dahil sa mga reklamong ipinupukol dito. Kaya inatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group na isara ang naturang religious group.
Naunang sinita ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Kapa dahil sa mga solicitation nito. Ayon sa ahensya, hindi authorized ang samahan na tumanggap ng investments, na malinaw na paglabag sa Securities Corporation Code of the Philippines. Dahil dito, sasampahan ng kasong criminal ng SEC ang mga opisyal ng Kapa dahil sa kanilang investment scam na di umano’y nakakulimbat ng aabot sa P50 bilyon mula sa kanilang mga miyembro.
Ang Kapa o Kabus Padatuon (na ang kahulugan ay “make the poor rich”) ay itinatag ni Pastor Joel Apolinario at inirehistro bilang isang religious group sa Bislig noong Marso 2017. Marami ang naenganyong sumali dito dahil sa pangako nitong pagpapala na mag-aahon sa miyembro mula sa kahirapan.
Hinihikayat ng Kapa ang mga miyembro na magdonate ng di bababa sa P10,000 kapalit ng 30 porsyentong monthly return, na tinatawag nilang “blessing” or “love gift,” na kanilang tatanggapin habang buhay. Wala umanong ibang gagawin ang mga miyembro kundi mag-invest at maghintay sa kanilang payout.
Kaya naman umalma ang libo-libong mga miyembro ng Kapa sa hakbang ng pamahalaan, sinasabing wala namang scam sa samahan. Bagkus marami pa umano itong natutulungan sa pamamagitan ng payouts sa mga miyembro at community service projects. Ito ang saloobin ng mahigit 500,000 Kapa members sa magkahiwalay na mga prayer rally sa General Santos City at Quezon City Memorial Circle kamakailan.
Nguni’t ayon sa awtoridad, ang ginagawa ng Kapa ay matatawag na isang Ponzi scheme, isang uri ng panloloko na pinauso ng Italian-American Swindler na si Charles Ponzi na nakapanloko ng libo-libong investors sa Amerika noong 1920s.
Sa ilalim ng naturang scheme, ang isang tao o grupo ay nangangako ng mabilis na return of investment para sa mga naunang investors, na ang pangpondo ay kukunin mula sa mga susunod na investors. Magpapatuloy ang ganitong scheme hanggang dumating sa punto na mag-collapse ito dahil sa kakulangan ng pang-pondo sa payouts, at ang mastermind ay bigla na lamang maglalaho, tangay-tangay ang nakulimbat na pera. Halos magkatulad ito at ang pyramiding scheme.
Kung tutuusin, hindi naman na bago sa Pilipinas ang ganitong uri ng modus. Marami nang nabiktima ng Ponzi scheme at Pyramiding sa nakaraan. Pero sa kabila nito, marami pa ring mga Pinoy ang sumusugal sa ganitong “get rich quick” scheme dahil sa kagustuhang maiangat ang kalagayan sa buhay.
Bago pa ang Kapa, pumutok na sa balita ang ilang malalaking investment scams na bumiktima ng libo-libo. Ilan sa mga kumpanyang tumatatak sa kasaysayan ng scams at swindling sa bansa ang Aman Futures na nakakulimbat ng P12 bilyon mula sa 15,000 katao sa Visayas at Mindanao; Ang Legacy Group na naging dahilan ng pag-collapse ng 12 rural banks at tatlong pre-need companies; at ang Multitel Group na nakapagdulot ng kabuuang P100 bilyon financial damage sa dalawang milyong katao.
Subali’t sa kabila ng mga pangyayaring ito, marami pa ring mga Pinoy ang nabibiktima ng mga scammers na sinasamantala ang kagustuhan ng marami na makaahon sa kahirapan.
Kaya bago mag-invest, alamin kung ano ang mga senyales na ang investment company ay isang scam:
RISK-FREE AT GET-RICH-QUICK INVESTMENT
Kung may nag-aalok ang isang kumpanya ng investment kaakibat ang no risk at mabilisang paglago ng investment, pagdudahan na ito dahil ang investing ay talagang may kaakibat na risks. Kung ang alok ay pumapalo sa 80 percent pataas na balik sa loob lamang ng isang linggo, malaking porsyento na scam ito.
Sa isang social media post, pinaalalahanan ng SEC ang mga Pinoy na mag-ingat sa fraudulent investment schemes lalo na kung “too good to be true” ang pangakong resulta nito dahil sa ganitong paraan nakapangloko ang maraming big time scammers.
MAS MARAMING RECRUIT, MAS MALAKING KITA
Isang pang-akit ng mga scammers ang mga umano’y testimonials ng kanilang “business partners” na mabilis na umasenso dahil sa pagsali sa scheme. Nandiyan yung papakitaan ang target victim ng picture ng isang miyembro na katabi ang isang luxury car at hawak ang bulto ng salapi. Pagkatapos ng ganitong presentation ay manghihikayat ang scammer na mag invest ng halagang P10,000 hanggang P50,000, na maaaring mapalago sa pamamagitan ng pag-recruit. Sabay hirit ng linyang, “Open-minded ka ba?”
Sa kabila nito, mayroon namang mga networking o multi-level marketing scheme na lehitimo. Lalo na yung may mga produktong ibinebenta. Pero kung hindi ka nakakatanggap ng cheke, malamang ay na-scam ka.
WALANG IMPORMASYON
Ayon sa SEC, mahalagang suriin ang background information ng kumpanya at tao na nag-offer ng investment. Mahalagang makitaan ito ng mayroong contact numbers (landline) para ma-trace ang SEC registration as investment taker. Kung walang impormasyon ang isang investment company na available online, malaking tsansa na isa itong scam.
Paalala pa ng ahensya, ang SEC company registration ay di nagbibigay ng authority para makapagbenta ng investment instruments gaya ng bonds, commercial papers, at securities. Tanging SEC registered person lamang ang makapagbebenta ng SEC registered securities sa publiko.
Para sa mga sumbong at karagdagang impormasyon, maaaring tawagan ang SEC enforcement and investor protection department sa (02)584-6377.
Ayon sa mga financial experts, kapag “too good to be true” ang inaalok na return of investment, malamang ay isa itong scam. (Larawan mula sa Pixabay)
FINAL ADVICE
Babala ng financial adviser at life coach na si Karla Stefan Singson, tinuturuan ng Ponzi scheme ang mga tao na maging gahaman at mainipin. Pinapaniwala rin nito ang mga biktima na hindi kailangang magsumikap at maging mahusay para umasenso sa buhay at yumaman. Bagama’t tila maganda ang pakinabang na nakukuha sa unang payouts, sa bandang huli, ang mga investors din nito ang kawawa.
Aniya pa, hindi dapat kinakagat ang ganitong scheme dahil sinisira nito ang tamang kaisipan at paraan sa pagpapalago ng kayamanan.
“Sure, there are people who have tripled or quadrupled their money through schemes but that is not the way to build real wealth. Remember, even lottery winners end up broke. And if we are a poor country and this is what we teach or show people, we are hurting the poor more,” aniya.
Kaya huwag basta-basta magpaakit sa oportunidad ng biglang-yaman. Ang tama at ligtas na paraan para umasenso sa buhay ay ang pagsusumikap sa trabaho at ang pag-nenegosyo sa legal na paraan.