MARILETH ANTIOLA
MATATANDAAN natin si Manuel Monsour T. Del Rosario III bilang isang action superstar na nakilala rin bilang si Monsour del Rosario na sumikat din sa pagganap at paggawa ng lokal at internasyunal na mga pelikula.
Ipinanganak siya noong Mayo 11, 1964 sa Maynila ngunit lumaki siya sa Bacolod o City of Smiles ng Western Visayas. Ang kanyang ina ay isang Filipino na may lahing Arabo.
Nagsimula siya ng pagsasanay sa martial arts noong siyam na taong gulang edad na sadyang kinasihan ng pag-bully sa paaralan. Kasabay nito, nabighani siya sa mga Chinese Kung Fu na pelikula, lalong-lalo na sa mga ginampanang karakter at ginawang pelikula ni Bruce Lee.
Una niyang guro sa martial arts si Joe Lopez-Vito, na isang practitioner dinng Tang Soo Doo/Moo Duk Kwan. Pagkaraan, lumipat siya sa taekwondo noong 1977 sa ilalim naman ni Sung Chon Hong noong lumipat siya sa Manila para sa kanyang high school.
Sa ilalim ni Master Hong nakamit ni Monsour ang ika-anim na dan taekwondo black belt sa kumpetisyon na ginanap sa Korea.
Umani ng maraming karangalan
Nakapagtapos siya sa De La Salle University-Manila. Sumali siya sa Philippine National Taekwondo Team noong 1982 at nagsilbi siyang kapitan ng koponan sa kanyang huling apat na taon hanggang 1989.
Mula 1982 hanggang 1989, lumahok si Monsour sa maraming internasyonal na kumpetisyon, kabilang ang 1988 Seoul Olympics, Southeast Asian Games, Asian Games, World Games, World Taekwondo Championships at Asian Taekwondo Championships.
Nagkamit siya ng gintong medalya sa ika-14 at ika-15 na Southeast Asian Games, isang bronze medal sa ika-10 Asian Games, at umabot sa quarterfinal round sa 1988 Seoul Olympic Games.
Mga pelikulang tatak Monsour
Lumabas si Monsour sa mga pelikula mula noong 1986. Kabilang sa kanyang pinasikat ang mga maa-aksyon at ma-dramang karakter kagaya ng: Bangis (1995), Buhawi Jack(1998) at Pintado (2000). Gumanap din siya sa maraming international films tulad ng Demonstone (1989), Bloodfist 2 (1990), When eagles Strike (2003), Bloodfist 2050(2005), at The Hunt for the Eagle One (2006) at marami pang iba.
Payo sa mga kabataang atleta
“Mayroong tatlong klase ng edukasyon, una ang edukasyon na natutunan at nanggagaling sa pamilya, pangalawa ay edukasyon sa paaralan mula grade school, high school at kolehiyo upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa maraming bagay sa buhay, at ang pangatlo ay ang edukasyon sa isports,” wika ni Monsour.
Aniya “Ang sports education ay minsan nalilimutan pero ito ay importante dahil dito nadedevelop ang karakter ng kabataan.”
Malaking tulong ang isports sa paglinang ng kakayanan ng mga kabataan dahil sa tulong nito mas lalong nadaragdagan ang kumpyansa nila upang lalong magsumikap na maabot ang kanilang pangarap sa larangan ng sports at sa anupamang ambisyon sa buhay.
Si Monsour ay kasalukuyang naglilingkod sa unang distrito ng Makati City bilang miyembro ng Konseho ng Lunsod. Kaisa rin siya sa mga miyembro ng United Nationalist Alliance o UNA Party.