HANNAH JANE SANCHO
NARANASAN mo bang maglakad na tila hinuhubaran ng mga tumitingin sa iyo kasabay ng paninipol?
Naranasan mo bang makatanggap ng mga mensaheng bastos sa cellphone mo di kaya ay sa iyong social media accounts?
Ilan lang ito sa mga halimbawa na maituturing na labag sa batas matapos ganap na maging batas ang Anti Bastos Law o ang Republic Act 11313 o Safe Spaces Act.
Kamakailan nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na ito na naglalayong protektahan hindi lamang ang kapakanan ng mga kababaihan kundi pati na rin ang mga miyembro ng LGBTQ Community.
Wala nang puwang sa ating komunidad ang anumang gender-based harassment sa anumang pampublikong lugar, work places, online at paaralan.
Base rito, itinuturing na labag sa batas ang paninipol, calling names o ang pagtawag ng kung anu-ano, panghihipo, paulit-ulit na pagsabi ng mga sexual jokes at anumang hakbang na maituturing na invasion sa personal space ng mga kababaihan at miyembro ng LGBTQ community.
Bagaman maituturing na common sense na lang sana ang respeto na maibibigay ninuman sa kapwa pero dahil sa paulit-ulit na ang kaso ng pambabastos sa mga kababaihan at mga miyembro ng LGBTQ ay kinailangan pa gumawa ng batas ang pamahalaan para dito.
Naway hindi lamang sa papel manatili ang batas na ito at tunay na maipatupad at sundin ito ng lahat.
Pagkakakulong at multa ang ipapataw sa mga lalabag ng nasabing batas na mula anim na buwan hanggang anim na taon at mula sa P100,000 hanggang P500,000.
Magsilbi rin sana itong paalala sa lahat na kahit simpleng pambabastos ay hindi dapat pinalalampas dahil ito ay pwede mauwi sa mas malalang pambabastos.
Hindi ka man sinaktan ng nambastos sa iyo sa iyong pisikal na katawan ngunit magdudulot naman aniya ito ng sugat sa pagkatao ng kaniyang binabastos.
Laging tandaan na kung paano natin trinato ang ating kapwa ay siya ring nais nating pagtrato sa ating mga magulang at mga kapatid.
Kaya ang respeto na maibibigay natin sa ating mga mahal sa buhay ay siya ring dapat ibigay natin kahit sa mga hindi natin kakilala.