Ni: STEPHANIE MACAYAN
Para sa makinis at magandang balat tayo ay bumubuo ng sariling skin care routine na buong dedikasyon na sinusunod natin. Ang iyong intensyon ay masusing pangalagaan ang balat, ngunit may pagkakataong nasisira mo ang iyong balat nang hindi mo namamalayan.
Huwag maging panatag sa pag-aalaga ng iyong balat. May mga panahon na aakalain mo na dapat itong gamitan ng kung ano-anong produkto sa nakikitang mali sa balat.
Upang maiwasan ito, narito ang ilang pagkakamali na nakakasira sa ating balat na dapat nating alamin.
Agresibong paghuhugas ng balat. Ang paulit-ulit na paghihilamos ng mukha sa isang araw ay nakasasama sa balat dahil tinutunaw nito ang mahahalaga at natural na moisturizer at lipids ng ating balat. Pagkatapos gumamit ng cleansing water ito ay banlawan ng maligam-gam na tubig.
Pisikal na pag-aabuso sa balat. Nagagasgas ang balat dahil sa mariing pagpu-punas ng mukha gamit ang cotton pads, cleansing wipes, make-up wipes at towel. Maaaring magkaroon ng contact dermatitis o iritasyon sa balat dahil dito. Gumamit lamang ng malambot na pamunas sa paglilinis ng balat.
Paggamit ng maraming akin care products. Nakakasama ang paggamit ng kung ano-anong skin care products. Bukod sa nagsasayang ka lamang ng pera, nakakasama rin ito sa balat. Alamin ang angkop na produkto para sa iyong skin type at pumili lamang ng produktong naaayon dito upang maiwasan ang pagkasira nito.
Ang ating balat ay kusang gumagaling, alam nito kung paano ayusin ang mga nasirang parte at ang tanging kailangan lamang ng balat ay ang basic hydration, healthy diet at maayos at malinis na kapaligiran.