HANDANG magbigay ng aksyon na may solusyon dahil naniniwala ang ARTA sa pangarap ng Pangulo para sa isang komportable buhay para mamamayang Pilipino.
JHOMEL SANTOS
MAKALIPAS ang labinlimang araw simula nang mailathala ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 11032 o ng Ease of Doing Business and Effective Government Service Delivery Act of 2018 sa dalawang pambansang sirkulasyon na diyaryo ay ganap nang epektibo noong ika-4 ng Agosto ang mga probisyon at regulasyon na nakapaloob dito.
Matatandaang wala pang dalawang linggo simula nang maitalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Atty. Jeremiah B. Belgica bilang Director General ng Anti-Red Tape Authority nang pirmahan niya kasama nina Department of Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez at Civil Service Commission Chairperson Alicia dela Rosa Bala ang IRR ng R.A. 11032 noong ika-17 ng Hulyo.
Matapos lamang ang tatlong araw noong ika-20 ng Hulyo ay agad naman itong nailimbag sa Philippine Star at Manila Bulletin.
Ano ang ibig sabihin nito para sa taumbuyan at sa mga kawani ng gobyerno?
Ngayon na epektibo na ang IRR, mas malakas na ang kaso laban sa mga lalabag sa batas dahil malinaw na ang mga nakasaad na probisyon laban sa red tape o anumang bagay na nagpapabagal at nagiging sagabal sa pagproseso ng mga dokumento ang mga transaksyon sa gobyerno.
Ibig sabihin din nito, mas may gabay na ang mga ahensiya ng gobyerno sa pag-streamline o pagsasa-ayos at pagpapabilis ng mga proseso at sistema dahil maglalabas din ang ARTA ng kaukulang guidelines sa iba’t-ibang aspeto ng serbisyo publiko gaya ng paggawa ng Citizen’s Charter, pagtaguyod ng mekanismo para sa Report Card Survey, at paglalabas ng gabay sa Reengineeing.
Ang panawagan ng ARTA
Malinaw ang panawagan ng ARTA: tumalima kayo sa batas.
Isa sa mga pinakasikat na probisyon ng batas ay ang 3-7-20 o ang Prescribed Processing Time kung saan dapat ang lahat ng proseso ng gobyerno ay hindi lalagpas ng 3 araw para sa mga simpleng proseso, 7 araw para sa mga kumplikado, at 20 araw para sa mga proseso na nangangailangan ng teknikal na pagsusuri.
Lahat ng ahensiya ng gobyerno ay dapat i-kategorya na ang lahat ng kanilang serbisyo.
Sa pamamagitan din nito ay dapat na ring mapabilis ang kanilang mga sistema. Pangungunahan ng ARTA ang pagbuo ng Regulatory Management System upang matulungan ang mga ahensiya sa paggawa at pagsasaayos ng kanilang mga pinapatupad na regulasyon na siyang magpapabilis ng mga transaksiyon sa gobyerno.
Dapat na ring maglabas ng kaukulang Citizen’s Charter kung saan i-dedetalye ng mga ahensiya ang lahat ng serbisyo na kanilang dinadala. Dapat nakasaad din dito kung gaano katagal, kung magkano ang pagpoproseso, sino ang responsable, at kung ano ang mga kailangang dokumento sa isang serbisyo.
Maglalabas ang ARTA ng opisyal na Citizen’s Charter guidelines ngayong Agosto na dapat ay gamitin ng mga ahensiya sa pagsagawa ng bagong Citizen’s Charter na kailangan nilang isumite pabalik sa ARTA sa loob ng 90 working days.
Hindi na rin ligtas sa IRR ng R.A. 11032 ang mga kawani ng gobyerno na nagdudulot ng red tape.
Dahil tinukoy na sa IRR ang mga detalye ng paglabag at mga kaukulang parusa nito, mas madali nang maaasikaso ng ARTA ang mga reklamong idudulog ng taumbayan sa aming tanggapan.
Babala sa mga fixer
Bumuo ang ARTA ng Special Task Force kasama ang ilang ahensiya ng gobyerno upang puksain ang mga fixer na talamak sa madaming ahensiya ng gobyerno.
Nanawagan ang ARTA sa mga pinuno ng mga ahensiya na linisin na ang kanilang mga bakuran at huwag nang hintayin ang ARTA na puntahan sila.
Ngayong epektibo na ang IRR, ganap na ang kapangyarihan ng ARTA na magpataw ng kaparusahan sa kung sinuman ang patuloy na magsusulong ng red tape sa gobyerno.