NI: CHAMPAIGNE LOPEZ
MGA iba’t-ibang klase ng negosyo online ang pinaguusap-usapan ngayon! Patok ito para sa mga bata, estudyante, magulang o kahit sa mga matatanda na nasa bahay lamang.
Sa panahon ngayon kung saan halos lahat ay nakatutok na sa kani-kanilang gadgets, hindi malayo na ito ay ating pagkakitaan din. Dahil sa maraming tao ang may access sa Internet ngayon, marami rin ang lumabas na iba’t-ibang klase ng negosyo o trabaho online.
HELLO GUYS! WELCOME BACK TO MY CHANNEL!
Marami na ang kumita at patuloy na kumikita ng milyon-milyon gamit lang ang camera at paggawa ng kakaibang video content. Walang pinipiling edad sa pagiging vlogger, bata ka man o yung kahit may edad na ay pwedeng-pwede ka pa rin dito basta’t kaya mo mag-video ng sarili, magsalita at magpatawa ng tao.
Nagsimula ito lahat sa isang sikat na application sa buong mundo, ang Youtube. Dito nila inuupload ang mga videos nila at kapag marami ang nakapanuod nito ay maaari na silang kumita. Kaya ngayon marami na rin ang sumusubok at nag-eenjoy dito. Madalas na ina-upload nila dito ang iba’t-ibang klase ng tutorials tulad ng kung paano mag make-up, paano kumita sa social media, paano gumamit ng iba’t-ibang klase ng mga bagay at napakarami pang-iba.
May mga video naman na tungkol sa pagbibiyahe, pagpunta sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Sikat din ang mga videos kung saan ay gagawin ng vbloggers ang challenge sa kanila na talaga namang kinakatuwa ng mga manunuod.
May mga videos na kumakanta, sumasayaw o maging habang kumakain ay binibidyuhan na. Iba’t-ibang paraan, iba’t-ibang diskarte, iba’t-ibang konteksto para makuha ang atensyon ng manunuod. Ganyan ang trabaho ng vbloggers, bonus na rin sa kanila ang mga kumpanya na nagiisponsor sa kanila o yung nagpapadala sa kanila ng produkto na libre at ang kapalit ay gagawan ito ng review-video para mahikayat ang mga viewers na bumili.
PM SENT!
Subok na rin sa pagnenegosyo ang pagbebenta ng produkto online, madalas ginagawa ito ng mga single moms o yung mga nanay/tatay na nasa bahay lang at walang mapag-iwanan ng anak kaya mas piniling mag negosyo online. Nariyan ang pagbebenta ng damit, furniture, tickets, make-up, pre-loved items at marami pang iba.
Maari rin na mag-resell dito o yung hindi kinakailangan maglabas ng pera dahil magbebenta ka ng produkto ng iba at magkakaroon ka ng porsyento sa kung magkano ang mabebenta mo. Ang pagpasok sa mundo ng online selling ay hindi rin madali, na kaakibat dito ang mahabang pasensya sa mga customers, dahil sa online lang ang usapan madalas ang hindi pagkakaintindihan nang maayos.
Maari ka rin maloko dito o yung tinatawag na scammer na laganap at patuloy na kumakalat online. Sila yung mga nagkukunwari na buyer o seller na kapag naipadala mo na yung bayad mo sa binili mong item ay agad ka nyang iba-block o kaya naman mag seset ng meet-up at biglang hindi sisipot. Kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa mga nakakausap online upang maiwasan ang mga ganitong klase ng pangloloko.
FREELANCER PERO HINDI FREE
Patok din ang freelance writing bilang online business, kung may background ka sa pagsusulat ay tiyak bagay ka sa trabahong ito. Sa mga online job websites marami ang nangangailangan ng writing services para sa mga freelancers. Marami ang may kayang magsulat ngunit hindi lahat kayang magsulat ng tama at angkop. Kaya patok din ito sa gusto magtrabaho online dahil hindi ka lang mag-eenjoy sa pagsusulat kundi marami ka rin matututunan at matutulungan.
GOODMORNING KIDS!
Isa ang mga Pilipino sa mga pinakamagaling sa
pagsasalita ng Ingles at dahil dito marami sa atin ang
nagtratrabaho sa mga BPO industry, ngunit maari din magturo ng Ingles kahit nasa bahay lang. Ang mga bansang Japan, Korea at China ang may pinakamalaking demand para sa mga online English tutor at madalas Pilipino ang kinukuha nila para sa trabahong ito. Maaaring kumita ng 30,000 sa isang buwan o mas malaki depende pa kung gaano ka kasipag. Madalas ay mga bata ang tinuturuan at dahil dito hindi rin sya madali dahil kailangan ng mahabang pasensya dahil may mga makukulit na estudyante na kailangan mong turuan.
Napakaraming benipisyo ang pagtratrabaho o pagnenegosyo nang nasa bahay lang katulad ng hindi na kakailanganing bumiyahe o sumabak sa trapik para pumunta para pumnta sa opisina. Hindi ka rin maghahabol ng oras dahil sa ganitong klase ng negosyo o trabaho ay hawak mo ang sarili mong oras bukod pa dito ay magkakaron ka pa ng oras sa pamilya mo. Mas mapagtutuunan mo sila ng pansin dahil araw-araw mo na silang makikita dahil nasa bahay ka lang at kumikita ka pa.
Ngunit, kahit marami itong benipisyo hindi pa rin ito madali at katulad sa ibang trabaho ay kinakailangan maging masipag at matiyaga upang maging maganda ang kita, may mga pagkakataon na malakas ang benta o kaya naman ay walang benta. Kung gusto mo na magkakotse o magkabahay o ano pang pangarap mo ay hindi imposible sa kahit na anong klaseng trabaho o negosyo dahil ang mahalaga dito ay marangal at gusto mo ang ginagawa mo at kapag gusto mo ang ginagawa mo hindi malabo na maabot mo ang inaasam mong tagumpay.