HANNAH JANE SANCHO
NASA 10 rehiyon na ng bansa ang apektado ng dengue, isang delikadong sakit na nakukuha sa kagat ng lamok isang partikular na species ng lamok na lubos na aktibo mula alas diyes ng umaga hanggang alas tres ng hapon.
Ayon sa Department of Health (DOH), umabot na sa 167,606 ang naitalang nagkasakit ng dengue sa buong bansa at 661 na ang namatay.
Ito na ang pinakamataas na naitalang mga kaso ng tinamaan ng dengue sa nakalipas na limang taon.
Kamakailan ay dineklara ng DOH ang national dengue epidemic dahil sa patuloy na paglobo ng insidente ng dengue sa buong bansa.
Ang mga rehiyon na kasalukyang lumampas na sa epidemic threshold ay ang Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Eastern Visayas, Western Visayas, Bicol, Mimarposa, Calabarzon, Ilocos at National Capital Region.
Habang malapit na rin umabot sa epidemic ang dami ng kaso ng dengue sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao, Soccsksargen at Central Visayas.
Nagbabala na ang DOH sa inaasahan nilang patuloy na pagtaas ng bilang na tatamaan ng dengue dahil nagsisimula pa lang ang peak season at pwedeng magpatuloy ito hanggang sa Nobyembre.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng insidente ng dengue, pinagiisipan na ni Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang Dengvaxia vaccine laban sa sakit.
Iginiit ng Pangulo na pinapanigan niya ang siyensiya pero hihintayin muna ang magiging rekomendasyon sa kaniya ng mga eksperto bago gumawa ng pinal na desisyon.
Matatandaang nagdesisyon ang Food and Drug Administration na bawiin ang certificate of product registration ng Dengvaxia matapos aminin ng manufacturer nito na Sanofi Pasteur na ang bakuna ay maaaring magdulot ng malubhang sintomas sa mga hindi pa nagkaka-dengue. Iginiit nila na epektibo ang vaccine sa mga dinapuan na dati ng dengue.
Pinagaaralan naman ni Health Secretary Francisco Duque ang posibilidad na maibalik sa merkado ang Dengvaxia ngunit hindi aniya ang bakuna ang magiging lunas ng kasalukuyang hinaharap na epidemya sa bansa.
Hindi naman kumbinsido ang mga kritiko ng administrasyon gaya ng mga makakaliwang grupo sa kamara na ibalik ang Dengvaxia dahil hindi naman ito silver bullet para magbigay ng agarang tulong para mapababa ang kaso ng dengue sa bansa.
Maging ang ilang health groups gaya ng Coalition of People’s Right to Health at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ay naniniwala na hindi makakatulong ang Dengvaxia para matuldukan ang dengue outbreak.
Naniniwala ang mga doktor ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na mainam na tutukan ngayon ang pagpapaintindi sa publiko na maiiwasan ang dengue at gawin ang mga hakbang para dito.
Una nang naglunsad ang DOH ng tinatawag na 4S campaign na magiging gabay ng publiko para hindi makapamahay ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue sa kanilang lugar.
Ang 4S ay nangangahulugang SEARCH and destroy mosquito breeding sites, SELF PROTECTION measures o paggawa ng hakbang upang maiwasan ang sakit, SEEK early consultation’ o agad na magpatingin sa doktor kung may suspetsa na sakit na dengue na ang nararanasan at SUPPORT fogging/spraying sa mga lugar na pwedeng pamahayan ng mga lamok.
Upang higit na mapagtagumpayan ang laban sa sakit na dengue kailangang magsimula muna ito sa bawat bahay at komunidad at hindi umasa lamang sa gobyerno.
Kailangan maging mahigpit ang pananatili ng kalinisan sa loob at labas ng bahay lalo na sa mga lugar na pwedeng mabuhay ang mga lamok gaya ng tambakan ng tubig at mga kuyakuyagot sa likod bahay o bodega.
Maging sa mga paaralan at mga working places siguraduhin ang kalinisan dahil karamihan sa mga tinatamaan ng dengue ay ang mga laging nasa labas ng bahay.
Mainam din ang paggamit ng mga mosquito repellant.
Huwag din pakasisiguro ang mga tinamaan na ng sakit na dengue dahil posible ring magkasakit ulit.
Sa ngayon, umaasa ang nakararami na anuman ang hakbang ng gobyerno gaya ng paggamit ulit ng Dengvaxia ay isaalang-alang nito ang kapakanan ng nakararami at siguraduhin yung mga nagka-dengue lang ang babakunahan nito gaya ng rekomendasyon ng manufacturer nito.
Maraming dekada nang nilalabanan ang sakit na dengue hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maraming pang bansa.
Maraming buhay sana ang hindi nasayang kung ang lahat ay may malasakit lalong lalo na sa kalinisan at ang mga ahensiya ng gobyernong may mandatong siguruhin ang kalusugan ng mamamayan ay masusing pinagaralan ang paggamit ng Dengvaxia at hindi nakinig sa maingay na opinyon ng ilang sektor na naglagay ng takot sa mga magulang noong unang sumabog ang kontrobersiya tungkol sa Dengvaxia.
Kalinisan sa sariling katawan, sa pamamahay at sa paligid.
Basic man na maituturing ang kalinisan pero kung lahat tayo ay sineseryoso ito maraming sakit ang pwedeng maiwasan hindi lang ang sakit na dengue.
Ika nga nila, Cleanliness is next to godliness.
Malayo ka na sa mga sakit malapit ka pa sa kabanalan.