HANNAH JANE SANCHO
NANGANGALAHATI na si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang administrasyon at magmula nang siya ay manungkulan, dumadami rin ang bilang ng mga dating general sa kaniyang gabinete.
Ilan sa mga ex-military men na kasalukuyang nanunungkulan sa pamahalaan matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ito ay sina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Defense Secretary Delfin Lorenzana, HUDCC Chairman Eduardo Del Rosario, Environment Secretary Roy Cimatu, Peace Process Secretary Carlito Galvez Jr, Dangerous Drugs Board Secretary Catalino Cuy, Interior Secretary Eduardo Año, Information and Communications Technology Secretary Gregorio “Gringo” Honasan, Social Welfare Secretary Rolando Bautista, Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, TESDA General Manager Isidro Lapeña, MMDA Chairman Danilo Lim, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System Board Member Emmanuel Salamat.
Triple na ang bilang ng mga retired generals ngayon na nasa gobyerno kumpara noong nagsisimula pa lamang and termino ni Pangulong Duterte.
Maselang bagay na pinalagan ng ilan sa mga kritiko ng administrasyon.
Para sa mga militanteng grupo, peligroso ang militarisasyon sa gobyerno dahil sinanay ang mga dating heneral na tumango na lamang nang tumango sa mga pinag-uutos ng walang pasubali.
Ngunit iba ang pananaw ni Pangulong Duterte sa usaping ito. Para sa kaniya, asset ang pagtatalaga ng mga dating military brass sa kaniyang pamamahalaan dahil disiplinado at masunurin ang mga ito sa sinumang namumuno at nasa tuktok ng chain of command. Ang pamahalaan bagamat hindi military ang structure, para sa kanila ay hindi naiiba —ang Pangulo ang kanilang commander in chief.
Isa sa mga halimbawa nito ang utos ni Pangulong Duterte kina Secretary Cimatu at Secretary Año na linisin ang Boracay na tinawag nitong “cesspool” o tapunan ng mabaho at nabubulok na basura.
Agad itong inaksyunan ng mga dating heneral at kasalukuyang bukas na ulit ang Boracay at nakita ng buong mundo ang laking improvement ng isla matapos ng ilang buwan itong ipasara ng gobyerno para maibalik ang dating ganda nito.
Maituturing kasing man of action si Pangulong Duterte, gusto nito aksyon agad lalo na sa mga iniutos nito sa kaniyang mga itinatalaga sa gobyerno. Hinahanap niya agad ng resulta.
Isang katangian dapat na mayroon ang mga namumuno sa bansa ang “obey before complain” rule ng mga sundalo.
Wala naman aniyang ibang gusto ang ating gobyerno kundi ang mapaganda at mapaangat ang pamumuhay ng mga Pilipino kaya gusto ni Pangulong Duterte na ang mga nasa pamamahala ay first and foremost “results oriented”.
Kahit sinong namumuno ayaw makasama ang isang inuutusan nito na puro dada pero pag hinahanapan mo ng resulta ay walang maipakita.