LOUIE CHECA MONTEMAR
MAY tila masalimuot na sistema sa pagtatakda ng presyo ng kuryente sa ating bansa gamit ang tinatawag na PBR o Performance-based regulation. Kailangang magpaliwanag ng Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil dito.
Sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), inatasan ang ERC na gawin ang tungkulin nito sa rate regulation at magtakda ng tantos ng presyo ng kuryente o electric power rate. Ang ERC, kung gayon, ang nagtatakda kung paano mababawi ng mga power producers at distributors ang “makatarungan at makatuwirang gastos” o pagbabalik-puhunan. Sila rin kung gayon ang dapat na nagtitiyak sa interes ng mga mamimili hinggil ng “makatuwirang presyo ng kuryente.”
Para sa Korte Suprema, ayon sa isa nitong nadesisyunang kaso noong 2002 (Lualhati vs. Meralco), ang “rate regulation” ay ang “sining sa pagtamo sa isang kaayusang mabuti para sa mga public utility at pinakamainam naman para sa publiko.” Noong taong iyon, ilang sandali matapos lumabas ang isang pasya ng korte, sinimulan ng ERC ang paglilipat mula sa Return on Rate Base (RORB) methodology patungo sa Performance-Based Rate (PBR).
Sa ilalim ng RORB, ang pamamahagi, supply, at pagsukat sa pagsingil ng Meralco ay P0.70/kwh; ang under rate unbundling nito ay P0.90/kwh. Sa PBR, naging P1.2227/kwh noong 2009, P1.491 noong 2010, P1.6464 noong 2011, P1.60 noong 2012, na umakyat sa P1.633 noong Hulyo 2012-Hunyo 2013. Kaya dati, sa PBR, lalo lamang tumaas ang presyo ng kuryente.
Ngayon, may mungkahing pagbabago na naman sa pagtatakda ng presyo ng kuryente at pormal itong inihayag sa isang pampublikong konsultasyon ng ERC kung saan tinalakay ang PBR noong Hulyo 29. Lumahok dito ang iba’t ibang grupong may magkakaibang opinyon, kabilang na ang distribution utilities at iba pang mga stakeholders.
Gaya ng nabanggit na, ang PBR ay isang pamamaraan sa kompyutasyon ng sisingiling presyo ng kuryente. Sa pagtalakay rito sa naging konsultasyon, hindi pa mailinaw agad at walang katiyakan kung bababa o tataas ang singil sa kuryente.
Napipintong maisakatupuran ang pagbabago subalit malabo pa sa mga maaapektuhan kung saan ito patungo. Baka maulit lamang ang mga naging dating pagtaas ng presyo ng kuryente kung mabago na naman ang metodolohiya sa pagtukoy nito.
Kailangan nating makatiyak sa magiging epekto nitong mungkahing pagbabago mula sa PBR —pagbalik man sa luma o patungo sa bagong sistema. Para ito sa ating lahat dahil tayong lahat ay mga konsyumer ng kuryente. Nararapat lamang na ating pagtuunan ito ng pansin at suriing mabuti.
Iba’t ibang consumer advocacy groups ang nag petisyon na sa ERC upang magkaroon ng hiwalay at komprehensibong pagtalakay sa PBR kasama ang iba’t special interest groups.
Malaking tulong ito para maipaliwanag sa mas maraming mga konsyumer ang sistemang PBR at kung anuman ang magiging kapalit nito.
Dapat lamang na mapaliwanag ng ERC sa isang masusi at simpleng paraan ang sistemang ito. Ito ba ay malinaw na papanig sa interes ng iilan o sa mas nakararaming konsyumer? May mga bagong kasapi ang ERC. Nawa ay maging maingat sa pagdedesisyon ang mga bagong opisyal. Lubos na kailangan ito para maitaguyod ang interes ng bayan.