TERRIJANE BUMANLAG
NAAALARMA ang abogado ng dalawang WellMed whistleblowers na si Atty. Harry Roque sa pagbasura ng Quezon City Court sa mga kasong kriminal laban sa may-ari ng WellMed Dialysis Center.
Nangangamba si Roque na madiskaril ang lahat ng pagsisikap para linisin ang PhilHealth sa paghahanda sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law.
Nanawagan naman si Roque na agad sibakin sa pwesto si PhilHealth Senior Vice President Atty. Jojo del Rosario dahil sa paghahain ng defective complaint na siyang ibinasura ng korte.
Iginiit ni Roque na hindi dapat sinampahan ng kaso ang dalawang whistleblowers sa halip ay kinasuhan ang mga PhilHealth official na sangkot sa isyu ng ghost dialysis.
Kasong graft at plunder din aniya ang tamang kaso na dapat isinampa sa may-ari ng WellMed.
Sa kabila nito, tiniyak ng dating tagapagsalita ng Malacañang na maaring muling isampa ang kaso dahil ibinasura lang ito dahil sa technicality at walang double jeopardy.