LARAWAN mula sa itaas ng bundok ng Anawangin kung saan kita ang tunay na ganda nito. Litrato ni Champaigne Lopez
Ni: STEPHANIE MACAYAN
KUNG tourist destination ang pag-uusapan, maraming maipagmamalaki ang Pinas. At isa sa mga pinupuntahan ng nakararami ay ang mga beaches. Maraming pwedeng pagpilian sa buong Pilipinas.
At, kung ikaw ay beach lover at sa tingin mo ay nakita at napuntahan mo na lahat, ikaw ay mag-isip muli. Mayroong isang munting paraiso na matatagpuan sa probinsya ng Zambales na ngayon ay nakaka attract na ng mga turista at biyahero.
Marami sa mga biyahero at adventure seekers ang naghahanap ng mga lugar na kung saan mai-lalayo muna ang mga sarili sa stress at pagod sa bilis ng pamumuhay at mga kaganapan sa Maynila. Ang Anawangin Cove ang ideal na destination para sa kanila.
Biyahe patungo sa isla
Tatlong oras na biyahe mula sa Maynila mararating ang San Antonio, Zambales kung saan maaring magsimula patungo sa Anawangin Cove na isa sa natatagong paraiso ng Zambales. Hindi pa ito nagagalaw nino-man para ito ay paunlarin. Dahil sa taglay na ganda ng tanawin dito, unti-unti nang nakikilala ang Anawangin sa pamamagitan ng word-of-mouth ng mga nakabisita na roon.
Ang Anawangin ay mayroong gasuklay na hugis at may malinis at maputing buhangin. Ang kaibahan ng beach na ito ay sa likod nito makakakita ang matataas na pine trees na nagpapaganda din sa tanawin. At mayroon ding natural na bukal na nagdudugtong sa dagat. Tirahan din ito ng iba’t-ibang uri ng mga ibon, kaya naman ang katahimikan ng lugar ay nababasag lamang ng kanilang huni.
Kung nagtitipid naman at gusto ng tunay na adventure, maaaring mag bus papuntang San Antonio, Zambales. Sa Pasay o Cubao mayroong mga ang istasyon ng bus na patungong Iba, Zambales. Sumakay dito at bumaba lamang sa San Antonio at mula roon, sumakay ng tricycle mula patungong Baranggay Pundaquit.
Habang nasa San Antonio, mas mabuting bumili na rin ng mga kakailanganin tulad ng pagkain, tubig at iba pa. Dahil pagdating sa isla ay wala nang mabibilhan ng pagkain. Kaya Maigi rin kung maaari na magdala ng sariling pagkain at mga gamit para sa hygienic purposes.
Bago makarating sa mismong isla kunga saan matatagpuan ang Anawangin Cove, kakailanganin muna na sumakay ng bangka mula sa Pundaquit; tatagal ang paglalayag ng 30 minuto.
Mga maaaring gawin sa Anawangin
Pagkarating doon, sasalubong kaagad ang mga taong naninirahan doon at sila na rin ang nagbabantay at namamalakad sa buong isla. Maaring magtayo ng tent dahil ito lamang ang maaaring gamitin kung tutuloy doon ng ilang araw. Kung ayaw umitim ang balat sa paglangoy dahil tirik pa ang araw pagdating doon, maaari ka munang mag trekking dahil sa tuktok ng bundok na nakapaligid sa isla ay ang makapigil hiningang tanawin at makikita rin doon ang buong kagandahan ng Anawangin Cove. Ang simoy ng hangin, patag at mabatong kapaligiran, huni ng mga ibon at kalmadong dagat ay damang damang sa tuktok ng bundok. Ang lahat ng stress ay talaga namang mawawala kapag ito ang iyong madadatnan.
Pagkatapos ng trekking, maaari rin puntahan ang mga pine tree sa likod ng isla kung saan sa gitna ng nagtataasang puno ay makikita ang napakalinis na bukal.
Sabi nga ng nakararami, mayroong Baguio feels ang lugar na ito. Kung ikaw ay mahilig magbasa, maaari mong dalhin ang paboritong libro at magbasa sa ilalim ng puno dahil dito ay tahimik at tanging maririnig mo lamang ay ang paghampas ng alon ng dagat, lagaslas ng tubig na nanggagaling sa bukal at ang huni ng mga ibon.
Mayroon ding banana boat, snorkeling at boating. Bukod sa sports, maaari ka din mag explore, picnic, photo shoot, star gazing at camping.
Dahil ang Anawangin Cove ay nasa gitna ng karagatan at napapalibutan ng naglalakihang mga bundok, walang signal ng telepono kaya naman talagang mae-enjoy ang bawat gagawin dito dahil hindi magiging sagabal ang mga smart phones. Ang tanging magagamit lamang ay ang camera ng phone.
Lahat ng gawain dito ay mano-mano, tulad ng pagluluto kakailanganin na magpadingas ng apoy sa kalan na de-uling para makapag saing, luto ng pagkain at iba pa. Kung may budget naman at ayaw mahirapan sa pagluluto maaaring mag-rent ng portable gas stove, o mag bonfire at doon magkantahan at magkwentuhan.
Ang isla ay naka generator lamang kaya sa gabi rin sila ay nagpapatay ng kuryente at tamang tama ang mag setup ng bonfire. Mas masusulit kung may dalang gitara upang mas masaya ang gabi, maganda rin na magkwentuhan na lamang kung mas gusto ng mas tahimik na mairaos ang gabi.
Bago umuwi pabalik ng Maynila huwag kalimutan na mag island hopping dahil hindi lamang ang Anawangin Cove ang makikita dito, maaari rin puntahan ang Capones Island at Nagsasa cove na kalapit lamang ng Anawangin.
Isang sikretong lugar lamang ang Anawangin noon. Ngayon, maraming tao na ang humahanap ng paraan upang mabisita ang napakagandang parteng ito ng Zambales. Kaya naman mas mabuting hanggat maaga pa ay bisitahin na ito bago pa man tuluyang makilala nang husto at mapuno ng mga turista.