LOUIE MONTEMAR
MATAPOS ang tatlong linggo mula nang naluklok bilang alkalde ng Maynila si dating pangulong Joseph Estrada, pinahayag niya na nilumpo ni dati namang senador at alkalde Alfredo Lim ang ating lungsod sa laki ng mga utang ng lokal na pamahalaan na kanyang iniwan.
Ayon kay Mayor Erap noon, kabilang dito ang utang ng lungsod sa paggamit ng kuryente na lumobo sa P398-million. Tinukoy ni Erap na iyon pa lamang ay hihigit na sa P242 milyon lamang na naiwan sa kaban ng bayan nang maupo siya noong Hunyo 30, 2013. May iba pang utang ang Maynila noon.
Nakita ko mismo ang budget documents ng Maynila noong 2013 at tunay na lubog sa utang ang lungsod noon.
Ang kaso, hindi naman makakasuhan ang isang dating nakaupo dahil lamang sa pag-iiwan ng malaking utang. Kung nagkataon, baka pati kayo po ay baka nadamay doon bilang dating bise alkalde.
Nitong 2018, ibinida ni Mayor Erap na nakaahon na ang Maynila sa pagkalubog nito sa utang at “debt-free” na raw ito.
Ang kaso sa isang naulat na pahayag ninyo bilang bagong upo, may 24 bilyon pisong deficit o kakulangan sa budget daw ang Maynila?
Pinasinungalingan ito ni Erap at ng dating City Administrator na si Ericson Alcovendaz. Ayon pa nga kay Alcovendaz, may naiwang 10 bilyong pondo sa kaban ang administrasyon ni Erap.
Ano po ang totoo?
Ito na lang isasagot ko: Para sa akin, mahalagang maghintay pa kami bago lubos na bumilib na lang nang husto sa mga bagong luklok.
Mawalang-galang na po, pero alam ninyo kung sino ang pinakamagaling at pinakamapagkumbabang alkalde na nakilala ko? Si Mayor Jesse Robredo. Dokumentado ang achievements niya. Check ninyo sa Google at Youtube. Check him out. Hindi niya kinailangan ang media upang ayusin ang Naga. Dagdag pa, pareho ko na kayong narinig magsalita, in person, ‘ika nga, hinggil sa mga ideya ninyo sa pamamahala, kaya paumanhin kung tila pinipitik ko sa social media ang ilang asta ninyo. Mataas ang pamantayan ko.
Sa kabila nito, saludo naman talaga ako sa mga unang pinapakita at kalakhan ng mga pahayag ninyo bilang Meyor– lalo na sa usapin ng human rights o karapatang pantao.
Pero mayor, sana mas bigyang-pansin at magpokus ka sa pinakamatinding suliranin ng isang mega-lungsod gaya ng Maynila — ang kawalan ng pabahay.
Matsala po at padayon!