MELODY NUÑEZ
LABIS ang pasasalamat ni Olympian weightlifter Hidilyn Diaz sa natanggap nitong tulong pinansyal para sa kanyang nalalapit na kampanya sa 2020 Tokyo Olympics.
Ibinigay kay Diaz ang sponsorship package kasabay ng paglagda nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez at Phoenix Petroleum Vice-President Raymond Zorilla sa Memorandum of Understanding sa isang seremonya na ginanap sa Malacañang.
Ayon kay Diaz, malaking bagay ang natanggap nitong P2-M mula sa naturang mga kompanya upang makamit na ng Pilipinas ang inaasam-asam na gintong medalya sa prestihiyosong torneyo.
Maliban dito, tatanggap din si Diaz ng P48,000 monthly allowance mula sa PSC maliban pa sa pabahay, pagkain, at foreign training allowance.
Nitong Hunyo nang umapela ng tulong ang 28-year-old Olympian kaugnay sa kanyang preparasyon sa Olympics.