Kasunod ng pagbasag ni Gerald Anderson sa kaniyang pananahimik kaugnay ng hiwalayan nila ni Bea Alonzo ay nagsalita na rin ang inakusahang third party na si Julia Barretto.
Sa kaniyang personal Instagram account, ibinahagi ng young actress ang throwback picture nito kasama si Bea kaakibat ang mahabang pahayag para sa aktres, kay Gerald at dating kasintahang si Joshua Garcia.
Giit ni Julia, ang ginawang pag-like ni Bea sa mga larawan nila ni Gerald ay isang hakbang upang bigyan ng dahilan ang publiko na sirain at batikusin siya.
Dapat aniya ay sinarili na lamang ng aktres ang mga isyu nito sa kaniyang relasyon ngunit sa halip ay mas pinili umano ni Bea na gawing “national concern” ang naturang break-up.
Paglilinaw ni Julia, 4 na buwan nang silang hiwalay ni Joshua at hindi third party ang dahilan ng kanilang hiwalayan.
Binigyang diin din nito ang naging pahayag ni Gerald Anderson na hindi siya ang dahilan ng Bea-Gerald breakup.
Sa huli ay nanindigan ang dalaga na walang katotohanan ang lahat ng akusasyon laban sa kaniya.