Louie C. Montemar
TAONG 1991 nang una kong seryosong binigyang-pansin ang ideya ng Kooperatiba dahil nabasa ko sa isang sulatin mula sa sektor ng mga pampublikong guro ang mungkahing gawin itong bahagi ng kurikulum sa high school kasama ang pag-uunyon at human rights.
Noo’y naitanong ko sa aking sarili kung ganoon nga ba kahalaga ang nasabing uri ng institusyon upang maimungkahi pa bilang isang asignatura para sa lahat ng mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Kung ngayon ko itatanong iyan, isang mataginting na oo ang aking magiging tugon.
Mahalaga ang pagnenegosyo nang malaya at responsable dahil ito ang isang batayan ng pag-unlad ng isang bansa. Ito ang tuntungan ng paglago ng ekonomiya. Kung may isang uri ng institusyong mas matitiyak natin ang pagiging responsable at mapananagot sa mga gawaing nito, iyan ang kooperatiba.
Ang kooperatiba ay isang organisasyong pang-negosyo. Pagaari ito at pinatatakbo ng kanyang mga kasapi. Naghahati-hati ang lahat ng mga kasapi sa kung anuman ang kitain ng kooperatiba.
Kung gayon, masasabing mainam na tuntungan ng mga microenterprises o maliliit na negosyo — may tatlong milyong piso at mas mababa pang kapitalisasyon sa ngayon — ang isang kooperatiba.
Higit pa nga sa 90 porsyento ng mga negosyo sa bansa ang micro-enterprises at hawak nila ang 30 porsyento ng lahat ng trabaho sa lipunan. Ang mga malalaking enterprise ay bumubuo lamang ng pitong porsyento ng lahat ng pagnenegosyo at likha’t hawak nila ang 30 porsyento ng lahat ng hanapbuhay o trabaho para sa mga tao.
Naniniwala ako na kung magiging matagumpay ang mga kooperatiba at micro-enterprises, mas titibay pa ang balangkas ng ating ekonomiyang pambansa. Mas mainam kung mga kooperatiba ang makapagbibigay ng hanapbuhay sa mas nakararami. Subalit kumusta na nga ba ang mga kooperatiba?
Ayon sa mga nag-aaral sa kilusang kooperatiba, 70 porsyento ng mga itinayo ng pamahalaan ay namatay. Halimbawa na lamang, sa 11,000 kooperatibang tinayo noong panahon ni Marcos, 99 porsyento nito ang patay na.
Subalit mapapansin din naman na mataas din ang tantos ng pagkamatay ng mga karaniwang pagnenegosyo habang patuloy na lumalawak lamang ang kilusang kooperatiba. Ayon kay Jorge Siba ng NEPA, “tumaas ng 393 porsyento ang bilang ng mga kooperatiba sa bansa mula 1983 hanggang 1993, at ng 540 porsyento mula 1993 hanggang 2009. Ang mga negosyo ng koop ay tumaas ang value-added… ang kabuuang halaga ng mga ari-arian ng mga koop ay tumalon mula P1.05 bilyon noong 1985 hanggang P176 bilyon noong 2009. Ang kontribusyon ng [mga kooperatiba] sa GDP ng bansa ay umabot sa 5.14 porsyento noong 2007.”
Sa ngayon, may 18,065 kooperatiba sa buong bansa ayon sa Cooperative Development Authority (CDA). Karamihan sa mga ito ay mga multi-purpose, credit, consumer, at producer cooperatives. Milyun-milyon sa atin ang nagbebenipisyo sa network na ito ng mga kooperatiba.
Bilang pampagising ng diwa, isipin na lamang ninyo kung ang mga malalaking negosyo gaya ng Jollibee ay isang employee- o worker-owned cooperative enterprise—isang kooperatiba—imbis na isang family-owned corporation? Malamang, wala na roong endo at higit na mas mataas ang kinikita ng mga empleyado o crew.
Mangarap tayo at kumilos para rito. Suportahan pa natin ang mga kooperatiba at lumikha pa tayo ng mas maraming gaya nito!