HANNAH JANE SANCHO
HINDI katanggap-tanggap ang inilabas na ulat ng Commission on Audit na nasa P18.5 billion pesos ang halaga ng mga gamot na expired na at malapit nang mag expire ang nadiskubre sa warehouse ng Department of Health (DOH).
Isa ito sa pinakamalupit at walang pakundangang anomalya at sampal sa maraming Pilipino na nangangailangan ng gamot ngunit kapos sa pera pambili nito.
Bakit kinailangan hayaan lang na nakaimbak lamang ang mga gamot na ito sa mga warehouse ng DOH?
Hindi ba mawawala ang bisa ng gamot kapag nalalapit na ang expiration date nito?
Bakit hindi ito agad ipinadala sa mga public hospital at health center sa buong bansa na madalas nating marinig na nagkukulang ang kanilang supply ng gamot?
Ilan lamang ito sa katanungan na dapat tugunan ng Department of Health at kung ano ang dapat nilang solusyon dito.
Kung maagap ang mga opisyal na mag procure ng mga gamot, dapat din na mayroong sistematiko at maayos na pagpapalaganap ng mga ito sa lalong madaling panahon sa mga nangangailangan.
Maliban dito maituturing na malaking kapabayaan o criminal negligence sa parte ng mga kinauukulan sa DOH ang lumabas na report ng COA na mahigit P30 million na halaga ng gamot na naipadala sa iba’t ibang health centers, rehabilitation centers at ospital ay expired na.
Napakalaking pera ito na sinayang ng Department of Health na pwede sana makatulong sa mga kababayan nating may sakit na walang kakayahang makabili ng gamot o di kaya maibigay nila bilang medical assistance sa mga walang pambayad sa ospital.
Hindi ba kailangan may managot na dito sa pamunuan ng DOH?
Hindi dapat pinalalampas ang ganitong mapanganib na kapabayaan.
Anong hakbang ang gagawin ng Palasyo? May sisibakin?
Pero hindi ito sapat.
Dapat ay ayusin ng ahensiya ang kanilang sistema para matiyak na hindi matengga sa mga warehouse ang mga gamot ng matagal.
Kailangan may tamang sistema din ang DOH para nalalaman nila kung malapit na bang ma expire ang mga gamot at dapat ito ang unahin nilang ipalabas.
Hindi rin pwede isantabi ang isyu ng korapsyon kaya natetengga ang gamot sa warehouses ng DOH para pagbigyan ang ibang pharmaceutical companies.
Panahon nang wakasan ang ganitong klaseng sitema kung tunay na pagbabago ang isunusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte dapat isama niya rin ito.
Naway agad na matugunan ang problemang ito.