NAKAHILIRA ang mga tinuhog na baboy habang ipinagdiriwang ang lechon festival sa bayan ng Balasan.
MELROSE MANUEL
Isa sa pinakapaboritong ulam ng mga Pilipino sa Pilipinas ang lechon. Ito ang klase ng ulam na imposibleng mawala sa panahon ng mga mahahalagang okasyon sa buhay ng mga Pinoy tulad ng kaarawan, kasalan, binyag, reunion lalong lalo na sa pagdiriwang ng mga piyesta.
Pinanggalingan ng lechon
Hango ang lechon mula sa mga Kastila, ito ay buong baboy na inihaw, kadalasan nito ay yong batang baboy pa lamang kung saan nilalagyan ito ng mansanas sa bibig, nakatuhog sa kawayan habang nakadarang sa nagbabagang mga uling.
Ngunit nagkaroon ito ng sariling bersyon sa Pilipinas at paborito sa lahat ng okasyon. Simbolo rin ito ng kasaganaan sa mga Pinoy.
Ipinalalaganap ng lechon ang kakaibang kultura ng Pilipinas. Ito ay hiniram mula sa ibang bansa ngunit ito ay nabigyan ng panibagong lasa at linamnam. Batay sa istilo ng tao, ginagamit ang iba’t ibang pampalasa at palaman para sa lechon. Kaya, maraming iba’t ibang lasa ng lechon na matitikman sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
LECHON ang Pambansang pagkain na madalas nakahain sa mesa tuwing may handaan
Paano inihahanda?
Tinatanggal ang laman-loob ng isang buong batang baboy o biik, bago nilalagyan ng pampalaman gaya ng mga dahon ng halaman tulad ng tanglad o mga gulay. Ang iba naman ay nilalagyan ng kanin at manok depende sa istilo ng magluluto at kung saan iluluto. May inilalagay din na iba’t ibang pampalasa upang lalo pang maging masarap ang lulutuing lechon tulad ng asin, paminta, bawang at sibuyas.
Matapos ang pagpapalasa ay tutuhugin ito ng kawayan mula sa puwit hanggang sa bibig upang gamiting pang-ikot at maging balanse ang pagkakaluto at pagkalutong ng balat. Pagkatapos itong lutuin ay magreresulta ng malambot, makatas, malasang karne at malutong na balat.
BINIDA ang mga litson na dinamitan at dinisenyuhan sa PARADA NG LECHON na ipinagdiriwang sa Balayan Batangas.
Ikutin natin ang buong Pilipinas kung saan may ipinagmamalaking iba’t-ibang lasa ng lechon:
CnT Lechon ng Cebu – ITO ang pinakapaborito ng mga Cebuano at maging sa mga dayuhan na lechon sa Cebu. Kilala ito sa pagiging juicy, less fatty, meaty, super crunchy at abot kaya ang halaga.
Zubuchon na makikita rin sa Cebu– Kakaiba naman ang pagluluto nito dahil hindi ginagamitan ng kahit na anong msg. na sangkap. Perfect choice ito sa mga health-conscious. Nilalagyan ng organic spices at herbs para mas maging heathy ang lechon. Pinapahiran din ng coconut juice ang balat ng baboy bago ihawin.
Jaime’s Lechon ng Iligan City Mindanao – Ang pagkain ng lechon dito ay isinasawsaw sa signature vinegar ng Iligan na pinakurat. Siguradong masisiyahan ang mga kostumer dito dahil kakaiba ang hatid na lasa dahil perfect combination ang suka at masarap na lechon.
Loring’s Native Lechon ng San Juan Manila – kilala ang lechon dito na may crispy at thin skin. Naiiba naman ang itsura nito dahil mas darker ito kaysa sa karaniwang lechon. Maliban sa malasa na karne, medyo may anghang din ito at isinasawsaw din sa matamis na gravy.
Sabroso Lechon ng Quezon City – Natatangi at kakaiba ang lasa ng lechon dito dahil ang iniihaw ay native pigs na tinimplahan ng preskong mga herbs. Pinagmamalaki rin ang perfectly golden brown at extra crispy skin nito.
Tinaguriang Lechon Capital of the Philippines ang La Loma, Quezon City kung saan araw araw makikita ang nakahilerang mga lechon. Maraming mga restaurant din ang nakapalibot rito na nag-aalok ng iba’t ibang luto ng lechon.
Balayan ng Batangas – Ipinagdiriwang naman ang “ Parade ng lechon” tuwing ika 24 ng Hunyo kung saan binibida rito ang mga binihisang lechon. Native na baboy din ang karaniwang ginagamit dito at mga herbs at mga local spices ng Batangas ang ginagamit na pampalasa na nakakapaghatid ng pambihirang lasa ng lechon sa mga kumakain.
General’s lechon ng Makati – Ang paggawa nito ay “Negros Style Lechon”. May secret ingredients na taglay ang lechon na ito. Hindi na kinakailangan ang sawsawan sa pagkain nito dahil sadyang masarap na talaga ang pagkakaluto.
Lydia’s Lechon ng Baclaran- Ang lechon na ito ay nababagay sa mga cholesterol-conscious. Less oil, less fat at less cholesterol.
Chef Mong’s lechon sa Butuan- Ito ang pinakamasarap na lechon sa Mindanao kung saan boneless at the best ang belly part nito. Matitikman mo rin ang spicy favor nito na ubod ng sarap.
Bantillan Lechon- hindi naman pangkaraniwan ang pagkakaluto nito. Kumpleto rekado ang isinaksak sa tiyan ng baboy at binuhusan din ng soft drink bago isinalang sa nagbabagang uling.
Diplahan lechon ng Zamboanga – hindi rin makakaiwas ang mga food lover sa lechon ng Diplahan. May mga secret herbs na tanim sa Diplahan na ginagamit ng mga lechonero kaya kakaiba ang sarap ng kanilang lechon. May sweet and sour Diplahan vinegar din ang maaaring gamitin na sawsawan dito.
Lechon ba kamo? Sa ibang bansa kilala ito bilang:
Lechon en La Varita –Puerto Rico
Hornado –Ecuador
Asado – Argentina
Siu Yuk –Cantonese cuisine
Babi Gulig –Indonesia
Tradisyon na may kinalaman ang Lechon:
Mula sa isang rehiyon sa Indonesia ginagamit ang lechon bilang pag-alay o regalo sa kanilang bride.
Parte rin sa tradisyun ng mga taga- Papua New Guinea ang pagluluto ng lechon. Gumagawa sila ng isang butas sa lupa at doon nila lulutuin. Mumu ang tawag sa pagluluto nito.
Maging sa United Kingdom ay kasama sa kanilang tradisyon ang pag-iihaw ng baboy.
Sa Hong Kong iniaalay nila ang inihaw o lechon sa kanilang God of the Heaven- Jade Emperor na pinaniniwalaan nilang pasimula ng kanilang magandang pagnenegosyo.
Mga recipe para sa Lechon:
Sadyang malikhain at mapamaraan ang mga Pinoy pag lechon ang pinag-uusapan. Narito ang ilang mga maaaring luto ng lechon na maaring huling ihain.
Ilan rito ay Adobong Lechon, Lechon Empanada, Lechon Wrap, Caesar Salad with Lechon, Lechon Paksiw at Fried Lechon.
Maaari rin itong ihalo sa Crispy Palabok with Lechon at gawing Lechon Roll, Scrambled Egg Con Lechon, Cuban-Chinese Arroz Frito Con Lechon at Pinakbet with Lechon Bits.
Masarap din itong gawing Lechon Binagoongan, Lechon Fried Rice, Lechon Bicol Express, Lechon Sisig, Lechon Pata Tim at Lechon Sinigang.
Kilala rin ang Balut ala Pobre con Lechon at Bulanglang with Balanoy Lechon sa Balayan Batangas.
Tunay nga na masarap ang lechon, katakam-takam ang hitsura, nakaka-akit sa mga mata pero sa panahon ng pagkain nito dapat iyong sapat lang dahil maaring paborito ito ng lahat ngunit ‘wag kalimutan na ayon sa mga eksperto sa kalusugan, ang taba ng baboy ay sadyang nakapagpapabara ng ugat sa puso at utak na nagre-resulta ng istrok at atake sa puso, kaya payo nila, “tikim-tikim lang!”