Ngayon muling naibalik ang nawalang kagandahan ng Manila Bay noon. Kaya sana ngayon pagyamanin at mahalin natin ang ating kalikasan.
NI: MARILETH ANTIOLA
Ang Manila Bay ang isa sa pinaka-sikat at kilalang pasyalan at atraksyon ng maraming Pilipino sa Maynila na matatagpuan sa Roxas Boulevard, Malate Manila. Ito ay isa ring atraksyong panturista noon at magpahanggang ngayon.
Ang Manila Bay ay para sa lahat, tunay na kasaya-saya at kaibig-ibig dito lalo na sa mga nagmamahalan o magsing-irog na nagdaraos ng espesyal na araw at nagsumpaan ng kanilang wagas at tunay na pagmamahalan habang sila ay nakaupo sa baybay dagat habang umiihip ang hanging malamig buhat sa karagatan , mga pamilya na namamasyal, mga nagbibisekleta at nag-jojogging, mga nagpapalipas lamang ng oras habang nakatanaw sa baybay dagat mga taong naghihintay upang masilayan lamang ang paglubog ng napakagandang araw. Dito masisilayan mo ang nakaka-manghang nilikha ng ating Panginoon na Maykapal dahil sa magandang anggulo ng langit kapag ang araw ay palubog na. Tunay na kasiya-siya at nakalilibang ang pamamasyal dito.
Pinakamakasaysayan ang Manila Bay sa lahat ng karagatang nakapaligid sa ating bansa, dahil dito sa isang pinakamalawak na anyong tubig ay dumaong na rin ang mga banyagang manlulupig noong unang panahon.
Sa kasalukuyang panahon natin, tila mo ang lahat nang nabanggit ay kabaligtaran sa tanawin noon. Ang Manila Bay na kahanga-hanga noon ay isa nang di kanais-nais na tanawin noong mga nakalipas na taon ngunit nalinis din at nabago sa pamamagitan ng pag-uutos ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Tunghayan ang ating artikulo kung paano naibalik ang tunay na ganda noon at ngayon ng Manila Bay.
MANILA BAY NOON
Mapagmamasdan mo ang maitim at maruming tubig dahil sa basurang naglutangan. Matatanaw mo ang mga dumi ng pagawaan (factories) na ang mga marumi at nakakalasong kemikal ay doon ibinubuga at dumadaloy. Nagiging dahilan ng napakaruming tubig na ni hayop ay di na makuhang maglublob sa dahilang nakadidiri ito. Dumami na rin ang mga tao at pamilyang nagtayo ng mga bahay sa tabing-dagat. Ginagawa na rin na paliguan o parang beach resort ito. Dulot na rin ng maruming tubig ng dalampasigan, maraming mamamayan ang nagkakasakit sa balat lalo na ang mga bata dahil sa mga mikrobyong likha ng maruming tubig. Dahil dito nabawasan na ang mga taong nais mamasyal sa dating sikat na atraksyon ng pook. Marami na rin nawalan ng kita sa pag-mamasahe dulot na rin ng pagbaba ng bilang ng mga turista. Maraming basura sa Manila Bay at mga informal settlers ang nagtatapon nito. Dahil sila ang nakatira sa mga pampang ng ilog at estero, tapon na lang sila nang tapon. Hindi na sila lalayo pa para magtapon ng kanilang basura. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit hindi maubus-ubos ang mga nakalutang na basura sa dagat at sa mga estero.
OPERASYON SA PAGLILINIS NG MANILA BAY
Sa tagal ng panahon marami nang umupong presidente ng Pilipinas ngunit ngayong taon lamang naaksyonan ang matagal na problema dahil sa masangsang na amoy galing sa dalampasigan.
Makabuluhan ang proyektong pinalunsad ng ating Pangulong Duterte, inaksyunan ito sa pangunguna ni DENR Secretary Roy Cimatu. Magandang proyekto ito upang maibalik ang nawala at dating kagandahan ng dalampasigan. Tone-toneladang mga basura ang nahahakot at nakukuha rito sa tuwing masama ang panahon o may bagyo, isa rin sa kadahilanan ang kawalan ng disiplina ng mga taong nakatira malapit sa dalampasigan. Ito rin ang pangunahing sanhi ng baha sa Kamaynilaan.
Libo-libong mga volunteers ang nakiisa upang tumulong sa paglilinis noon sa Manila Bay. Matagl-tagal din ang binunong araw at buwan upang malinis at maibalik ang nawalang ganda at linis ng nasabing dalampasigan.
Ilan sa mga naging volunteers sina, Nelson Delgado, 41 taong gulang ay diretso siya sa Manila Bay pagkatapos ng kanyang duty sa gabi bilang guard sa Malate. Habang naglilinis ay nakalagay ang kanyang sa isang cellophane bag nang sa gayon ay hindi ito mabasa ng tubig.
Galing siya sa Riyadh, Saudi Arabia dahil doon siya nagtatrabaho ngunit bumalik siya sa Pilipinas nang matapos ang kanyang kontrata. Habang naghihintay ng balita mula sa kanyang dating agency, Habang wala pa siyang tawag mula sa kanyang boss ay pinapalipas niya ang kanyang oras sa pamamagitan ng paglilinis sa Manila Bay ng libre.
Para sa kanya, mas malaki ang nararamdaman niyang kasiyahan kapag nakakatulong sa kapaligiran kaysa sa mga panunukso ng ibang tao na wala naman itong mapapala sa ginagawa kundi ang pagiging mabaho.
“’Yung dumi naman po, nahuhugasan ‘yan at nawawala. ‘Yung kakaibang saya na nakukuha sa pagkakawanggawa, forever ko na po ‘yung ite-treasure”, wika ni Mr. Delgado.
Isa rin si Christopher Ballejos Abria, 45 taong gulang ang nagboluntaryo rin sa paglilinis at pamumulot ng mga basura sa buhangin at sa napakaduming tubig.
Ang Metropolitan Manila Development Authority din ay nagbigay ng mga protective gears at mga cleaning materials sa mga volunteers at sa mga taong nakatira roon noong panahon ng clean-up operations sa Manila Bay, malaking tulong din upang mapanatili ang paglilinis sa dalampasigan.
MANILA BAY NGAYON
Dahil sa cleanup drive, na isinagawa noong mga nakalipas na buwan sa tulong na rin ng mga libo-libong volunteers ay muling natunghayan ang halos malimutan nang kariktan ng naturang dagat at ilang migratory bird na rin ang nagsimulang magtampisaw rito. Marami na namang mga tao maging mga banyaga ang dumarayo ulit rito para masilayan ang kagandahan ng ating Manila Bay.
Ngayon mas lalong gumanda at umayos ang Manila Bay, may nangingisda, may naglalaro, namamasyal, nakaupo lang dahil mas relax na ngayon doon dahil sa malinis na hangin at nawalang mabahong amoy sa dalampasigan at mga taong nag-aabang at naghihintay ng magandang paglubog ng araw.
Sa panahon ngayon na malaking tulong ang nilunsad na programa ng mahal na Pangulong Duterte na Build Build Build Project kabilang ang paglilinis at pagbabalik ng dating ganda ng Manila Bay.
Kung nais natin maayos, maganda at higit sa lahat, malinis na kapaligiran, disiplina ang ating kailangan. Kaya sana sa darating na mga panahon pa ay mapanatili at huwag ng mangyari na masira ang ating kapaligiran dahil lamang sa ating kapabayaan. Bagkus, pagyamamin natin, mahalin at alagaan natin lahat ng mga nilikha ng ating Panginoon.