SA pagpapatuloy ng rehabilitasyon ng Manila Zoo sa lungsod ng Maynila, matapos itong ipasara ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, asahan ang bagong mukha ng lugar kasabay ng pagbabago ng pangalan nito.
Sa isang panayam, kinumpirma mismo ni Manila City Mayor Isko Moreno ang nakatakdang pagpapalit ng pangalan ng pasyalan na ito.
Mula sa Manila Zoo, gagawin na itong Manila Philippine Zoo, kung saan mas pinaganda ang lugar at maging ang pasilidad.
Magdadagdag din ng mga hayop at itutulak ng lungsod ang pagtangkilik ng mga hayop na sa Pilipinas lang matatagpuan habang pag-aaralan naman kung anong gagawin sa mga hayop na galing sa ibang bansa.
Sisimulan ang opisyal na paghuhukay sa buong lugar para sa mga itatayong struktura at pasilidad sa susunod na buwan, bagamat bigo pang nabanggit kung magkano ang kakailanganing pondo para sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng naturang zoo.
Samantala kinumpirma rin ni Moreno na unti-unti nang nakasusunod sa sanitation standard ng DENR ang nasabing zoo.
Matatandaang nitong buwan ng Enero ay iniutos ng datingĀ Manila City Mayor Erap Estrada ang pansamantalang pagpapasara ng zoo dahil sa maruming tubig na nagdudulot ng polusyon sa tubig ng Manila Bay na kamakailan lang din ay ipinasara ng DENR dahil sa mataas na bilang ng coliform level.