Ni: STEPHANIE MACAYAN
“FOOD is life” para sa ating mga Pinoy, ngunit ang pagkain ng marami at hindi tama ay maaaring may masamang epekto sa ating kalusugan. Kaya dapat alamin ang ilang healthy foods na swak naman sa panlasang Pinoy.
Kilala ang pagkaing Pinoy na mataba at mamantika tulad ng lechon at sisig. Ngunit mayroon din tayong pagkain na hindi lamang masarap kung hindi ay puno rin ng mahahalagang nutrisyon para sa kalusugan.
Ayon sa isang registered nutritionist-dietitian na si Harrell Wong, siya ay naniniwala na walang limitasyon sa pagkain basta’t ang pagkain ay katamtaman lang.
Narito ang ilang pagkain na healthy at pwede na rin pang-dyeta:
Laing. Ito ang paboritong spicy food ng marami na nagmula sa Bicol. Ito ay gawa sa dahon ng gabi at gata. Ayon sa mga nutritionist ang dahon ng gabi ay mayaman sa Vitamin A, C at iron.
Coco Sugar. Ito ay mabuti sa mga may diabetes dahil mayaman ito sa potassium, magnesium, zinc, iron, vitamin B1, B2, B3 at B6. Kumpara sa brown sugar, ang coconut sugar ay may 36 times na iron, four times na mas maraming magnesium at higit na 10 beses na bilang ng zinc.
Malunggay. Ang dahon ng malunggay ay mayaman sa Vitamin B,C, iron at magnesium.
Pinakbet. Ang mga sangkap nito ay talong, ampalaya, kalabasa, okra at sitaw na hinaluan ng bagoong. Ayon sa nutritionists mayaman sa fiber at vitamin A ang potaheng ito.
Tinapay. Ang tinapay ay kilala na may mababang bilang ng sugar at fat content, nagbibigay din ito ng iron, calcium at fiber na pwedeng pang-healthy diet.
Ang mga ito ay maaaring alternatibo sa mga pangaraw-araw na kinakain at nang maumpisahan mo na ang healthy living.